GINULAT nina Maine Mendoza at Arjo Atayde ang publiko nang makitang magkasama silang nagmeryenda sa isang restaurant sa Makati City, base sa nasulat sa PEP.

maine at arjo

Ayon pa sa pagkakasulat, walang nakitang kasama ang dalawa at wala ring nakitang shooting o taping sa kalapit na lugar nito.

Kung tutuusin ay hindi na dapat ikagulat ito ng lahat dahil magkasama naman sina Maine at Arjo sa pelikulang Jack Em Popoy: The Puliscredibles, na entry ng APT Entertainment, MZet Productions at CCM Films Productions, at pinagbibidahan nina Vic Sotto at Coco Martin.

Tsika at Intriga

98% ng buhok, nalagas na; Doc Willie may mensahe sa kabataan, mga magulang

‘Yun nga lang, hindi sila ang magka-partner sa pelikula dahil si Maine ang leading lady ni Coco bilang si Jack.

Going back to Arjo, malaya siyang makipag-date o makipagkuwentuhan sa ibang babae dahil for the record ay hiwalay na sila ng girlfriend niyang si Sam Rimando, na miyembro ng Girltrends ng It’s Showtime.

Kung hindi kami nagkakamali ay mahigit isang buwan pa lang na hiwalay ang dalawa dahil sa huling pag-uusap namin ni Arjo dalawang linggo na ang nakararaan ay kinumusta namin ang love life niya at ang ganda ng ngiti niya.

“Malalaman mo soon, tita,” sabi niya sa amin.

Kaya nagduda na kami, dahil kadalasan kapag tinatanong namin ang binata tungkol sa buhay pag-ibig niya ay ngingiti lang siya at sasabihing “okay naman po, tita.”

Pero ngayon iba na. ‘Yun pala ay may Maine Mendoza na ngayon sa buhay niya.

Kaya kahapon, habang tinitipa namin ang balitang ito ay talagang nagpapalitan kami ng mensahe ni Arjo. Tinanong namin kung ano ba ‘yung meryenda thing nila ni Maine nitong Huwebes.

“Friends talking lang po, tita. Magkasundo po kami,” matipid na sagot ng binata.

How do you find Maine? Ang sumunod na tanong naming.

“Saka na po ‘yan, tita,” tipid uling sagot ni Arjo.

Heto na naman ang panganay nina Sylvia Sanchez at Art Atayde. Masyado siyang malihim, at saka lang nagkukuwento kapag plantsado na.

Pero may isang bagay na siniguro ni Arjo tungkol kay Maine.

“Masarap kasama, tita.”

Diretsong tinanong namin ang aktor kung aware ba siya na tiyak na maba-bash siya ng 4.84 million social media followers ni Maine at AlDub supporters ng love team ng aktres kay Alden Richards, dahil iisiping ginagamit niya ang aktres.

“Aware, but point is they don’t know anything. Ha, ha, ha,” sagot sa amin ni Arjo.

May nagkuwento naman sa amin na matagal nang bina-bash ng followers ni Maine si Arjo, dahil dumalo siya sa nakaraang MAC cosmetics event ni Maine, na ang hindi alam ng bashers ay personal silang inimbita ng taga-MAC. Kasama ng aktor ang kapatid niyang si Ria Atayde, na dumalo dahil isa rin siya sa ini-sponsoran ng nasabing cosmetic brand.

For the record at para sa bashers ni Arjo, taboo para sa kanya ang salitang panggagamit o ginagamit o gagamitin, dahil hindi niya gawain iyon. Katwiran niya, makikilala siya sa sarili niyang pangalan. Walang nasasagasaang tao ang aktor dahil pareho silang single ni Maine.

Samantala, tapos nang mag-shooting si Arjo ng Jack Em Popoy: The Puliscredibles.

“Sobrang saya tita, masaya ang grupo ng APT,” kuwento ni Arjo tungkol sa shooting niya.

Nagpapasalamat nang husto si Arjo kay Coco dahil isinama siya sa pelikula, lalo dahil first time niyang mapasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF), kaya excited siya kahit kontrabida ang papel niya.

“Okay na ako sa role ko, tita. Mahaba-haba po,” sabi pa ng aktor.

As of this writing ay abala si Arjo sa taping ng The General’s Daughter.

“I have five movies in line, tita. Sana magustuhan ng mga tao. And it’s a blessings, sobrang pasalamat ko,” pagtatapos ni Arjo.

-Reggee Bonoan