Si Pangulong Rodrigo Duterte lang ang maaaring makapagpasibak sa tungkulin kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson.

Ito ang iginiit kahapon ni PCOO Secretary Martin Andanar sa gitna ng panawagan ng isa sa mga opisyal ng ahensiya na tanggalin na sa puwesto si Uson.

Nauna nang umapela si Philippine Information Agency (PIA) Director- General Harold Clavite kay Andanar na dapat na nitong sibakin sa puwesto si Uson dahil na rin sa mga kapalpakan nito sa ahensiya.

Matatandaang ipinagpaliban ng Kamara ang pagdinig sa proposed budget ng PCOO para sa 2019 nang hindi ito siputin ni Uson.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Umaasa naman ang mga kongresista na maisasalang din nila sa pagdinig si Uson, na ilang beses nang hindi sinipot ang nasabing hearing.

Sa panig naman ni Andanar, binanggit niya na ang Pangulo lang ang makapagpasya kung sisibakin nito sa posisyon si Uson, dahil ito ang nagtalaga kay Uson sa PCOO.

“Isang tao lamang ang puwedeng magpabitiw kay Asec. Mocha Uson at ‘yan po ay ang ating mahal na Pangulo dahil siya lamang ang appointing authority kay Uson. So, ang sa akin lang ay kailangan respetuhin natin ang poder ni Pangulong Duterte sa pag-appoint kay Mocha Uson,” ani Andanar.

Kaugnay nito, bumilib din si Andanar kay Uson sa pagiging kalmado nito sa kabila ng paulit-ulit na panawagan ni Clavite na magbitiw na sa puwesto.

“In fairness naman kay Mocha, kahit na pinagbibitiw siya ni Director- General Clavite kumbaga umaabot doon sa punto na inaaway siya ni Clavite ay hindi pinapatulan ni Mocha dahil alam naman niya na si Presidente talaga iyong nag-appoint sa kanya,” pahabol pa ni Andanar

-Argyll Cyrus B. Geducos