Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, mas maraming Pilipino ang nagpapahayag ng pagkabahala sa inflation na kailangang kaagad na tugunan ng administrasyong Duterte.
Ito ang lumutang sa Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Setyembre 1 hanggang 7 sa 1,800 respondents.
May 63 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing ang inflation ay isang usapin na dapat kaagad tugunan ng administrasyong Duterte. Ito rin ang nangungunang opinyon sa lahat ng geographic areas at socio-economic classes (53 hanggang 66 porsiyento at 52 hanggang 65 porsiyento, ayon sa pagkakasunod).
Samantala, 50% ang nagsabi na urgent national concern ang itaas ang suweldo ng mga manggagawa — isang sentimiyento na ipinahayag ng karamihan sa Metro Manila (55%), Visayas (59%), at upper-to-middle Class ABC (52%).
Ang iba pang urgent national concerns ay kinabibilangan ng pagbawas sa kahirapan (32%), paglikha ng trabaho (30%), paglaban sa graft and corruption sa pamahalaan (26%), paglaban sa kriminalidad (23%), pagsusulong sa kapayapaan (14%), pagpoprotekta sa kapaligiran (13%), pagbawas sa halaga ng buwis na binabayaran ng mamamayan (12%), at pagpapatupad sa batas (11%).
Sa survey, hindi gaanong pinoproblema ng mga Pilipino ang kapakanan ng overseas Filipino workers (6%), mabilis na paglago ng populasyon (6%), terorismo (5%), national territorial integrity (5%), at charter change (3%).
Wala sa mga isyung ito ang itinuturing na urgent ng karamihan sa lahat ng geographic areas at socio-economic groupings.
-ELLALYN DE VERA-RUIZ