COTABATO CITY – Tinanggal na mula sa listahan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang mahigit 32,500 “multo” na sumisipsip ng halos P44.8 milyon kada buwan mula sa kaban ng pamahalaan.

Ang mga naturang mga “multo” ay hindi lehitimong benepisyaryo ng 4Ps o conditional cash transfer (CCT) program na isiningit lang ang pangalan sa listahan para makakubra ng biyaya mula sa programa.

Ayon kay Laisa Alamia, ARMM executive secretary, may 10,000 pang “unfit” o “undeserving” na mga nakalista ang nakatakdang tatanggalin mula sa programa.

Ang ARMM, kung saan naroon ang mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi ang mga lungsod ng Marawi at Lamitan, ay isa sa tatlong pinakamaralitang rehiyon sa bansa.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinimulang linisin ni Alamia, isang human rights lawyer, ang listahan ng 4Ps sa ARMM matapos siyang hirangin ni Gov. Mujiv Hataman bilang concurrent secretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa rehiyon noong nakaraang taon.

Ang DSWD ang nagpapatupad sa CCT. Sa ilalim ng programa, bawat maralitang pamilya na may tatlong bata, na hindi hihigit sa edad na 14, ay tumatanggap ng P1,400 kada buwan.

Bago dumating si Alamia, mahigit 370,000 na ang beneficiaries ng CCT sa ARRM. Ngunit ilang opisyales, na pinamumunuan ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu, ay naghihinalang napakalaki ng bilang na ito.

Matapos silipin ni Alamia ang listahan, naniwala siyang 75 porsiyento lang ng mga nakalistang pangalan ay genuine.

Sinimulan ni Alamia linisin ang listahan nitong Marso, nang magsagawa siya ng forums sa tulong ng militar at mga opisyales ng barangay, munisipalidad at probinsiya.

Kasama rin sa forum si ARMM Education Secretary Rasol Mitmug, Jr. at lahat ng school superintendents sa rehiyon dahil may mga espekulasyon na may mga gurong kasabwat sa paglista ng mga “unfit” beneficiaries.

Ang mga gurong ito ay kumukobra ng commission mula sa mga pekeng beneficiaries.

Sinabi ni Alamia na ang karamahihan ng mga “multo” ay nasa Maguindanao at Lanao del Sur.

-ALI G. MACABALANG