Naitala kahapon ng Commission on Elections (Comelec) sa kasaysayan ang tinawag nitong pinakapayapang halalan, nang magbotohan sa Marawi City nitong Sabado.

Idinaos nitong Sabado ang 2018 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa siyudad, na winasak ng limang buwang bakbakan noong 2017.

Kinumpirma ni Comelec Spokesperson James Jimenez na hanggang 6:00 ng umaga kahapon ay naiproklama na ang lahat ng mga nagwagi sa halalan na idinaos sa 96 na barangay sa lungsod.

Ikinatuwa rin ni Jimenez ang resulta ng halalan, na walang naitalang untoward incidents o mga hindi kanais-nais na insidente sa halalan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Lahat, aniya, ng 177 polling precincts sa lungsod ay matagumpay na nakapagbukas on time o eksaktong 7:00 ng umaga, at nakapagsara pagsapit ng 3:40 ng hapon.

Aabot sa 26 na barangay ang mayroong unopposed candidates o walang kalabang kandidato.

Kabilang dito ang 26 na kandidato para barangay chairman, 19 para barangay kagawad, 52 para SK chairman, at 60 para SK kagawad.

-Mary Ann Santiago