SA kanyang pagdalaw sa Army’s 5th Infantry Division sa Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela, sinabi ni Pangulong Duterte na sa wakas ay nagwagi na ang gobyerno pakikidigma sa mga komunistang rebelde. “Sa palagay ko, sa awa ng Panginoong Diyos, matatapos ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa kalagitnaan ng susunod na taon. Marami nang rebelde ang sumusuko at ang kagandahan nito ay dala nila ang kanilang

mga armas,” wika ng Pangulo. Marami nang grupo, aniya, sa Mindanao ang bumagsak lalo na sa mga probinsiya ng Davao at Agusan. Sa dakong kanluran, ayon sa Pangulo, wala naman silang anumang malakas na grupo dahil naririto ang Moro at hindi hahayaan ng mga Moro na sila ay maging malakas.

Kung ang mga dahilang tinuran ng Pangulo ang kanyang pinagbabatayan upang ihayag na magagapi ng gobyerno ang CPP sa kalagitnaan ng susunod na taon, suntok ito sa buwan. Una, umaasa siya sa awa ng Diyos. Eh sa kanya, dalawa ang Diyos: Ang Diyos na kanyang pinaniniwalaan at ang Diyos na pinaniniwalaan ng lahat na kanyang inalipusta. Ito ang Diyos, ayon sa kanya, na hinayaang matukso ng demonyong sina Adan at Eba sa Paraiso para kainin ang ipinagbawal Niyang bunga ng isang puno sa Paraiso. Hindi ko ngayon alam sa aking pananampalataya, kung paano kaaawaan ng kanyang Diyos si Pangulong Digong. Ikalawa, wala naman siyang sinabi na uunlad ang bansa at bubuti ang buhay ng mamamayan. Kasi, ang mamamayang nabubuhay ng sagana ay ayaw ng gulo. Nais nilang mabuhay sa isang mapayapang pamayanan. Ang rebelyon ay isyung ekonomiya, hindi militar. Kung wawariin mo lang ang sinabi ng Pangulo, ang dahilan ng pagkalagas ng mga rebelde ay militarization. Natatalo sila sa bakbakan. Pero, taliwas ito sa itinuturo ng kasaysayan. Hindi kailanman lunas ng kaguluhan ang militarization. Pwede ito, pansamantala at panandalian lamang. Kapag ito ang ginawa mong pangunahing remedyo, lulubha ang kaguluhan. Kasi, ang karahasan ay magbubunga ng kaapihan at kawalan ng katarungan. Karahasan na rin ang ilalaban ng mga biktima para ipagtanggol ang kanilang sarili.

Sa nangyayari ngayon, malabo na magtagumpay ang Pangulo sa kanyang minimithing pagbagsak ng CPP. Hindi na nasisiyahan ang taumbayan sa ginagawa niyang pagpapatakbo ng gobyerno. Nagtaasan na ang halaga ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Habang nagkakagutom-gutom ang taumbayan, nag-aaway naman ang kanilang mga honorable na kinatawan kung paano ang partihan ng pera ng bayan. Walang patumangga ang pagpatay sa mga umano ay gumagamit at tulak ng droga na pawang mga dukha, samantalang hindi naman mapigil ang bilyun-bilyong pisong halaga ng droga na pumapasok sa bansa. Hindi nakakasuhan ang mga responsable dito o king makasuhan man, ay nadi-dismiss din.

National

Rep. Ortega, sang-ayon kay SP Chiz na ‘di dapat magkomento mga senador sa impeachment

Kamakailan, pitong Tausug ang pinatay ng mga sundalo sa Patikul, Sulu dahil pinagsuspetsahan silang kasapi ng Abu Sayyaff. Ngunit ang mga biktima ay naroon lamang para anihin ang mga bunga ng kanilang lansones at durian. Ang mga insidenteng tulad nito ang magiging daan para magsama ang CPP at Moro na magpapalakas sa mga rebelde.

-Ric Valmonte