Matapos ang matinding pananalasa ng bagyong ‘Ompong’, panibagong bagyo ang inaasahang papasok sa bansa bukas ng hapon, na tatawaging ‘Paeng’.

Sa inilabas na weather bulletin ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), bandang 11:00 ng umaga kahapon, namataan ang sentro ng tropical depression sa 2,160 kilometro sa silangan ng katimugang Luzon.

Nananatili sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyo, na may hanging umaabot sa 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna, at pagbugsong umaabot sa 65 kph.

Kumikilos ito patungong hilaga-hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph, at pinangangambahang maging tropical storm ngayong Sabado ng umaga.

National

De Lima sa Bar passers: ‘Patuloy sana tayong magsilbing inspirasyon sa ating bayan’

Maaari itong lumakas sa severe tropical storm sa Lunes ng umaga at maging bagyo pagsapit ng Martes ng umaga, na makaaapekto sa bahagi ng extreme Northern Luzon, Biyernes sa susunod na linggo.

Samantala, patuloy namang nakaaapekto sa bansa ang intertropical convergence zone (ITZC) na nagdadala ng mga pag-ulan sa katimugang Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa ulat ng PAGASA, maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan at thunderstorms ang mararamdaman sa Mimaropa, Western at Central Visayas, at Zamboanga Peninsula dulot ng ITCZ.

Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay makararanas ng maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan, dulot ng localized thunderstorm.

-ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN