NANG huli naming makausap si Direk Sigrid Andrea Bernardo ay nabanggit niyang sa Viva Films siya gagawa ng pelikula, at tinatapos pa lang niya ang pagsusulat ng script. Wala pa rin siyang alam kung sino ang magiging artista niya.

1Claudine

Kamakailan naman ay nakatsikahan namin si Direk Perci M. Intalan, na manager ni Direk Sigrid, at tinanong namin kung ano ang project ng huli sa Viva. Nabanggit na si Claudine Barretto ang bida sa nasabing pelikula.

Napangiti kami na gets na ni PMI (tawag namin kay Direk Perci) ang ibig naming sabihin, dahil tiyak na matatagalan ang pelikula. Tinanong na rin namin siya kung kailan sisimulan ang shooting.

Bea, ayaw na sa new year's resolution; 2024, 'hardest year' ng kaniyang buhay

“No idea pa kasi si Sigrid, nasa bakasyon pa,” kaswal na sabi sa amin.

Oo nga, kung saang-saan bansa namin nakikita si Direk Sigrid. Mukhang pinaghahandaan niya ang muling pagharap sa camera.

“’Yung sa Osaka (Japan), ipinalabas ang Mr and Mrs. Cruz sa Osaka Asian Film Festival. ‘Yung sa Korea, I was invited to be one of their juries sa festival nila na Seoul International Women Film Festival, tapos ‘yung sa Georgia (Tbilisi, Kutaisi capital), ocular for my next film,” kuwento sa amin ni Direk Sigrid.

Medyo nalito pa kami kasi ang alam naming ay kabisera ng Atlanta ang Georgia, pero kaagad kaming kinorek ng direktor.

“’Yung Georgia is a country not the state. Hindi ko rin alam na may bansang Georgia, it’s between Asia and Europe near Turkey. Nagulat nga rin ako, 30 Pinoys lang nakatira ro’n ngayon,” kuwento ng direktor ng top grosser indie film na Kita Kita.

“Georgia was suggested by my cinematographer, naghahanap kasi ako ng bansa na rich ang culture and history and ‘yung konti nga ang Pinoy. Hindi ko alam na may bansang Georgia when I researched about it. Nagandahan ako and bagay sa isinusulat (istorya) ko.”

At dahil bago sa pandinig namin ang nasabing bansa kaya tinanong namin kung anong salita roon at magkano ang palitan ng pera nilang Georgian lari.

“Georgian ang salita. Ang palitan ng pera nila mga P20 per 1 lari. Mura food at accomodation sa Georgia, parang Pilipinas lang din. Medyo mahal ang flight kasi may connecting flight pa from Qatar or Dubai, depende kung anong airline,” paliwanag sa amin ni Direk Sigrid.

Anu-ano ang trabaho ng 30 Pinoy sa Georgia?

“May mga architect, engineer, physical therapist, cook… at ‘yung iba nakapangasawa ng expat at Georgian,” kuwento pa ni Direk Sigrid.

“Mababait ang mga Georgian pero meron ding hindi. Mixed naman pero hindi sila harsh people. Simple lang sila manamit, casual actually. We went there ng summer nila, so kasagsagan ng init. Parang mga Pinoy din manamit,” kuwento pa niya.

Sabi namin kay Direk Sigrid na siya palang yata ang local director na magsu-shoot sa Georgia, at tiyak na curious ang moviegoers sa nasabing bansa, kaya malamang na maraming manonood sa pelikula niya.

“Naku sana nga maraming manood. Yes First Pinoy na mag-shoot doon,” aniya.

Kinumpirma rin ni Direk Sigrid na sinagot ng Viva ang gastos niya sa Georgia.

“Yes, sagot ng Viva ocular ko for one week plus allowance naman na ibinigay. But I chose to stay for two more weeks, sagot ko na ‘yun. Nakitira ako sa mga Pinoy doon.”

Kaagad naming tinanong kung ilang characters ang bida sa pelikula niya, dahil parang nakakasawa na ang mga pelikula na umiikot lang sa dalawang tao ang kuwento.

“No, may iba pa. He, he, he. Suspense-drama ito,” mensahe pa sa amin.

Sa huli, tinanong namin kung kailan sisimulan ang shooting ng pelikula, na sinasabing pagbibidahan ni Claudine.

“I am waiting for Viva’s confirmation/statement about it,” kaswal na sagot ni Direk Sigrid.

Ibig sabihin hindi pa siguradong si Claudine ang bida, o posibleng mapalitan pa.

“It’s between Viva and Claudine, that’s why maybe we can all wait for their confirmation,” paliwanag pa sa amin ni Direk Sigrid.

-REGGEE BONOAN