Slaughter, laglag sa PH Team laban kay Haddadi

WALANG ‘Gregzilla’ na mamando laban sa 7-footer na si Hamed Haddadi ng Iran.

guiao copy

Hindi kabilang ang 7-foot slotman na si Greg Slaughter ng Barangay Ginebra sa opisyal na 12-man line-up ng Team Pilipinas na sasabak laban sa Iran sa 2019 FIBA World Cup qualifiers window match sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Tehran.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Inilabas ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) ang line-up na nabuo ni National coach Yeng Guiao kahapon. Nakaalis na ang koponan nitong Lunes para makapaghanda pa sa kanilang kampanya sa second round ng torneo.

Walang pormal na dahilan na ibinigay ang SBP sa pagkakaalis ni Slaughter sa line-up, ngunit bago umalis, sinabi ni Guiao na lubha siyang nag-aalala sa kalagayan ng Ginebra star bunsod nang injury sa paa na patuloy pa ring ‘under observation’.

Iginiit ni Guiao na kung maayos na ang lagay ng kalusugan ni Slaughter, posible niya itong isama sa koponan sa pagsabak sa Qatar sa Setyembre 17 sa closed-door match sa Araneta Coliseum.

Makalalaro si Slaughter bilang local player matapos katigan ng FIBA (International Basketball Federation) ang apela ng SBP, gayundin ang pagsumite ng kinakailangang dokumento, kabilang ang Philippine passports ni Slaughter na nakuha niya bago pa man siya nagdiwang ng ika-16 na kaarawan.

Sasabak bilang naturalized player si Fil- German big man Christian Standhardinger, nagpamalas ng katatagan at husay sa kampanya ng koponan sa nakalipas na 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Nakasama rin sa line-up sina shooters Scottie Thompson, Alex Cabagnot at Ian Sangalang, pawang rookie sa koponan, gayundin ang nagbabalik na si Marcio Lassiter. Kabilang din sa line-up sina Paul Lee, Gabe Norwood, Raymond Almazan, Beau Belga, Asi Taulava, JP Erram at Allein Maliksi.

Inamin ni Guaio na suntok sa buwan ang tsansa na makaabante ang Pinoy nang malaking bentahe laban sa dating Asian champion at world championship title contender, ngunit maganda ang laban kung hindi magpapaiwan ang PH Team.

“Ako I just want it to be a close match,” pahayag ni Guiao.“I just want it to be tight toward the end against a home crowd, against playing in their home court. Mahirap mag-ambisyon na we get a good lead towards the end against Iran in their home court,” aniya.

Iginiit ni Guiao na may tsansa ang Team Pilipinas na maagaw ang panalo kung mailalagay sa dikitan ang laban, higit sa krusyal na sandali.

“’Wag lang tayo maiwan. Mailaban lang natin hanggang sa huli, okay na ako doon. Baka may tsamba doon,” pahayag ni Guiao.

-Marivic Awitan