HINDI bababa sa 2,159 na barangay sa Eastern Visayas ang idineklarang drug-cleared kamakailan, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Sinabi ni PDEA Eastern Visayas Regional Director Edgar Jubay na 77 porsiyento ito ng 2,797 barangay na apektado ng droga sa rehiyon.
“We were asked why we require many documents to declare a village as drug-cleared. We have to make sure that all standards are met, otherwise we don’t have the credibility to declare an area as drug-cleared,” pahayag ni Jubay sa isang press briefing.
Sa nasabing bilang, 557 ang nasa Leyte, 276 sa Eastern Samar, 392 sa Southern Leyte, 263 sa Samar, 183 sa Northern Samar, at 108 sa Biliran. Ang natitirang mga lugar ay bahagi ng malalaking lungsod tulad ng Tacloban at Ormoc sa Leyte.
Ayon kay Jubay, patuloy na babantayan ng ahensiya ang mga barangay upang masiguro ang pananatili ng kampanya sa lugar.
Samantala, pinag-aaralan naman ng oversight committee ang posibilidad na bawiin ang deklarasyon ng drug-cleared sa 20 barangay ng rehiyon dahil sa kabiguan ng mga lokal na opisyal na mapanatiling walang bentahan ng ilegal na droga sa mga lugar.
“It doesn’t mean that once an area is declared, there will be no more drugs trade. The conduct of operation will help sustain their status. We will revert the declaration if village officials are doing nothing to combat illegal drugs after the declaration,” dagdag ni Jubay.
Hiniling naman ng regional director na paigtingin ng mga opisyal ng mga barangay ang monitoring ng mga lugar sa tulong mga tagabanatay at mga volunteers.
“The bigger responsibility lies on village officials to maintain, sustain, or even enhance their status,” aniya.
Habang patuloy na bumababa ang drug trade sa bansa dulot ng anti-drug war ni Pangulong Duterte, sinabi ng PDEA na nagpapatuloy pa rin ang mga ilegal na aktibidad sa ilang lugar na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng pamahalaan, modus operandi, at paggamit ng teknolohiya.
Tinukoy naman ng PDEA ang Matnog port sa Sorsogon, Allen at San Isidro port sa Northern Samar, San Ricardo at Liloan port sa Southern Leyte, Ormoc City port sa western Leyte, at ilang maliliit na pantalan sa Eastern Visayas bilang mga ruta ng drug trafficking.
PNA