Sinabi kahapon ng Bureau of Immigration (BI) na maaari pang iapela ng madreng Australian na si Patricia Anne Fox sa Malacañang, Supreme Court, o sa Department of Justice ang deportation order na inilabas laban sa kanya.

Ito ang ipinahayag ng BI legal officials matapos ibasura ang motion for reconsideration ni Fox na humihiling na bawiin ang deportation order na magiging final and executory makalipas ang 30 araw ng pagtanggap nito.

Sa tatlong pahinang resolution na nilagdaan noong Agosto 23 ng BI Board of Commissioners (BoC) na binubuo nina Commissioner Jaime Morente, Deputy Commissioners J. Tobias Javier, at Marc Red Marinas, ibinasura ang mosyon ni Fox dahil “no new matters raised that warrant the modification or reversal of the resolution.”

Naglabas ang BI ng deportation order laban kay Fox nitong Hulyo dahil sa paglabag sa mga kondisyon ng kanyang pananatili at pagiging undesirable alien.

National

SP Chiz, dinepensahan mga umano'y 'blank items' sa GAA: 'Kasinungalingan iyon'

Nilinaw ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval ang mga akusasyon ni Fox na wala pa man ay hinusgahan na ng BI ang kaso batay sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na siya ay undesirable alien.

“A deportation order was issued against Sister Fox for violating the conditions of her visa and for being undesirable,” ani Sandoval.

“She was authorized to conduct only missionary works, but had attended and joined numerous political activities contrary to the limitations of her visa,” idinugtong niya.

Muling idiniin ni Sandoval na ang mga banyaga ay hindi pinapayagan na makilahok sa mga demonstrasyon sa bansa at kailangang sumunod sa batas ng Pilipinas o mahaharap sa deportasyon.

-Jun Ramirez at Mina Navarro