MISTULANG sumulak ang aking dugo dahil sa galit sa umugong na balita: Binaril at napatay ng pulis ang isang aso. Kahit na iyon ay isang asong gala o askal lamang, ang ginawa ng naturang alagad ng batas na hindi ko na babanggitin ang pangalan ay walang pangalawa sa kalupitan, wika nga. Iyon ay tandisang paglapastangan sa Animal Welfare Act (AWA) na nagbibigay ng proteksiyon sa mga alagang hayop o pet animals.
Isa ring katulad na pangyayari ang aking nasaksihan kamakailan na labis ko ring ipinanggalaiti. Isang pulis na AWOL (Absent Without Official Leave) ang basta na lamang namamaril ng mga aso na humahara-hara sa kanyang dinaraanan. Hndi naglaon, kabaligtaran ng naunang balita ang umugong: Ang naturang pulis ay naging biktima ng malagim na Oplan Tokhang na inilunsad ng kanyang mga kabaro sa Philippine National Police (PNP). Isa itong patunay na buhay rin ang katumbas ng pagmamalupit sa mga hayop.
Nagdudumilat din ang isa pang ulat: Hinatulan ng Caloocan Court ang pumatay ng aso. Sa utos ni Judge Dorothy Grace Daguna-Inciong, napatunayan na si Roberto Olivar ay lumabag sa AWA, ipiniit at pinagmulta ito ng 5,000 piso.
Ang naturang asunto ay bunsod ng reklamo ni Emma Manalili, isang rescuer ng stray pets at nagmamay-ari ng 17 aso at 12 pusa. Sinasabing nasaksihan niya sa Facebook video na pinatay ng akusado ang isang aso na iniuwi niya at iniluto. Sapat na marahil iyon para mahatulan si Olivar ng paglabag sa AWA.
Totoo na marami pang gayong pagmamalupit sa mga aso at iba pang alagang hayop ang nagaganap sa ating paligid. Dangan nga lamang at ang mga ito ay maaaring nalilingid o talagang hindi pinapansin ng mga alagad ng batas. Sa bahaging ito, dapat lalong paigtingin ng Society for the Prevention of Cruelty to Animals (SPCA) ang misyon nito laban sa pagmamalupit sa mga hayop. Marapat na ito ay tularan ng iba pang organisasyon na nangangalaga sa kapakanan at karapatan ng mga pet animal. Kaakibat ito ng pagtiyak na sapat ang pagturok ng anti-rabies vaccines upang matiyak naman ang kaligtasan ng sambayanan sa kagat ng ating mga alagang hayop.
Higit sa lahat, kailangan ang ibayong pagsisikap upang tayo ay laging maging makatao sa mga hayop.
-Celo Lagmay