SA speech niya noong nakaraang linggo sa Rizal Hall ng Malacañang sa harap ng mga negosyante at diplomats, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na naiisip na niyang bumaba sa puwesto dahil sobrang dismayado siya sa mga problemang kinakaharap ng bansa, partikular na ang sa kurapsiyon at ilegal na droga.

“Guys, I want you to know that I am thinking of stepping down because I’m tired…my chase against graft and corruption seems to be endless…” anang Pangulo.

Siyempre pa, kaagad itong sinamantala ng mga tinatawag na political “pundits” at “analysts”, at nagpakalat ng kung anu-anong conspiracy theories at sitwasyong pulitikal sakaling tuluyang magbitiw sa puwesto ang Presidente. Naging malaking isyu na ang simpleng pahayag na iyon na bahagi ng kanyang 90-minutong speech nang maging paksa ito ng matitinding debate at mga espekulasyon.

Subalit makaraang basahin ang speech, napagtanto ko na masyado itong personal at nagpapakita sa pagiging tao ni Pangulong Duterte. Pulitika ang nakikitang anggulo ng ilan, pero para sa akin nakita ko si Digong bilang isang karaniwang tao.

“Now, I’d like to talk also about my personal heartaches and all,” aniya, makaraang isantabi ang kopya ng nakahanda niyang speech. “I do not think that I can fulfill my promise to the people…I said I will try to stop corruption which I’m doing. And still I cannot succeed even beyond my term. I told you that I will go after drugs and I warned everybody because on what used to be millions of transactions worth, it’s now billions.”

Sa pagpapahayag ng kanyang pagkadismaya sa mistulang walang katapusang problema sa bansa, inilahad ni Duterte sa publiko ang kanyang personal na damdamin. Sino ba ang hindi nakaranas ng ganito, kahit minsan sa ating buhay? Nagtakda ka ng mga gusto mong matupad para sa iyong sarili—sa personal, pamilya, o negosyo—pero sa kasamaang palad ay nabibigo kang maisagawa ang mga ito. Pakiramdam mo ay hinahadlangan ang lahat ng iyong pagpupursige. Totoong nakakapagod. Parang gusto mo nang sumuko.

Imagine n’yo ang uri ng mga problemang kinakaharap ng isang presidente ng bansa. Kaya naman sa isang sandali ng pagiging totoo sa kanyang sarili, nabanggit ni Pangulong Digong na pagod na siya: “Ngayon ho, so habol ako nang habol, pagod na ako.”

Hindi ito ang unang beses na naglahad siya ng personal niyang sentimyento. Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong taon, nagpahayag din ang Pangulo ng kanyang pagkadismaya. Sa kanyang talumpati, nagreklamo siya tungkol sa “friends and political supporters whom I appointed to public office and then dismissed or caused to resign.”

Sinabi niyang labis siyang nagpapahalaga sa kanyang mga kaibigan, subalit may limitasyon din ang pakikipagkaibigan niya. Hindi nagdalawang-isip ang Pangulo na sibakin ang kanyang mga kaibigan at tagasuporta na akusado sa graft at corruption.

Sa bahagi ng SONA na nagpakapersonal siya, sinabi ng Pangulo: “This is a lonely place I am hemmed in. Do not make it lonelier by forcing me to end our friendship because you gave me the reason to end it. It pains me to end—the loss of friendships. And that is why I appeal to you to help me in my cause so that our friendship will endure.”

Malinaw na itinakda ng Pangulo ang mga panuntunan sa ethics sa serbisyo-publiko. Pinahahalagahan niya ang katapatan at pagkakaibigan, pero higit sa ano pa man, ang pagmamahal niya sa kanyang bayan. Kaibigan ka niya kung kaalyado ka niya sa mga pagsisikap niyang mapabuti ang bansa.

Inilalahad ng dalawang talumpating ito ang pagiging tao ni Duterte. Ang parehong ugali niya na binibira ng kanyang mga kritiko ay ang parehong ugali na kinatutuwaan sa kanya ng milyun-milyon niyang tagasuporta: Ang kanyang katapatan.

Puro ang mga impromptu speech ni Duterte, ay hindi nakukulayan ng jargon o lengguwaheng diplomatiko. Sinasabi niya ang laman ng kanyang isip. Hindi siya ‘yung uri ng pulitiko na maingat sa kanyang pagsasalita, upang magmukhang mabuti sa lahat. Wala siyang limitasyon sa kanyang pagsasalita. Anuman ang mangyari, ang Duterteng nakikita at naririnig ninyo ay siya mismo, si Duterte.

Sa kabila ng kanyang pagkadismaya, sinabi ng Pangulo na nananatili siyang tapat sa tungkuling kailangan niyang tuparin: “Two years later, my solid commitment to directly and decisively address our nation’s collective challenges remains. It has not wavered. In truth, it has even gotten stronger through adversity and the desire to give the people the most we can.”

Totoong kaakibat ng pagiging pinuno ang kalungkutan. Dahil dito, mahalaga ang suporta at pakikipagtulungan ng mamamayan. Hindi lamang ito laban ni Duterte, kundi laban din ng lahat ng Pilipino.

-Manny Villar