Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may “person of interest” na ang Saudi authorities kaugnay ng pagpatay sa isang Pilipina na natagpuan sa loob ng isang hotel sa Jeddah, Saudi Arabia, ilang araw na ang nakalipas.

Sa ulat na natanggap ng DFA mula sa Konsulado ng Pilipinas sa Jeddah, hindi Pinoy ang person of interest sa kaso.

Isang household service worker (HSW) sa isang salon ang 52-anyos na Pinay na hindi muna pinangalanan, at tubong Sarangani Province.

Nabatid na taong 2007 pa nasa Jeddah ang biktima para sa nasabing trabaho.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Kaagad na nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng Konsulado ng Pilipinas at DFA sa pamilya ng Pinay sa Sarangani upang ipabatid ang insidente, matapos matagpuan ang bangkay nito sa isang hotel sa Jeddah.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang DFA sa pamilyang naulila ng Pinay.

Umaasa ang DFA na kaagad na mareresolba ang kaso at madadakip ang suspek para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng ating kababayan.

-Bella Gamotea