Maaari nang mangutang ang mga miyembro at pensioner ng Social Security System (SSS), na naapektuhan ng pagbaha sa nakalipas na mga linggo bunsod ng habagat at bagyo.
Ito ay matapos na ilunsad ng ahensiya ang loan assistance program nito para magkaloob ng tulong pinansiyal sa mga nasalanta ng kalamidad.
Ipinahayag ng SSS na naglaan ito ng P863 milyon para sa programa.
Batay sa record ng ahensiya, sinabi ni SSS President-Chief Executive Officer Emmanuel Dooc na aabot na 61,000 miyembro at pensiyonado nito ang naapektuhan ng pagbaha.
Maaari na aniyang mag-avail ng loan assistance ang mga nakatira sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad, at idineklarang nasa state of calamity.
Kabilang sa maaaring mag-avail sa programa ang mga persiyonado na puwedeng mag-advance ng tatlong buwang pensiyon.
Ang mga interesado sa loan assistance ay pinapayuhang magtungo sa pinakamalapit na SSS branch o tumawag sa SSS hotline sa 920-6446 hanggang 55, o magpadala ng email sa [email protected].
-BETH CAMIA