Kinuwestiyon kahapon ng isang mambabatas mula sa oposisyon kung bakit agarang ibinasura ni Pangulong Duterte ang alegasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na naipuslit sa bansa ang P6.8-bilyon shabu, kasabay ng pagtatakda ng House Committee on Dangerous Drugs ng panibagong pagdinig sa isyu ng shabu smuggling.
Nagtataka si ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa naging pahayag ng Pangulo na espekulasyon lang ang nabanggit na findings ng PDEA.
“Why is it the President himself seems to be eager to dismiss the findings of the claim of PDEA that up to P6.8 billion of shabu has been smuggled,” sinabi ni Tinio sa press conference kahapon.
Aniya, tinatangka rin ng Bureau of Customs (BoC) “[to] sweep the issue under the rug.”
Tweet naman ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano: “Where is the President? P7 billion worth of shabu entered the country through Customs. I didn’t hear Duterte go berserk and order nationwide manhunt against those behind it. Same deafening silence when P6.4 billion worth of shabu was seized by Customs months ago.”
Sa House Committee on Dangerous Drugs motu proprio hearing tungkol sa P6.8-bilyon shabu smuggling sa bansa kahapon, sinabi ni BoC Commissioner Isidro Lapeña na nagsagawa sila ng swabbing ng shabu sa apat na basyo ng magnetic lifter na nadiskubre sa General Mariano Alvarez, Cavite at ang mga ito “tested negative”.
Gayunman, iginiit ni PDEA Deputy Director General for Operations Ruel Lasala na naglaman ng ilegal na droga ang mga nasabing magnetic lifter, batay sa “circumstantial situation and evidence”, bukod pa sa inupuan ng K-9 dog ang nasabing mga lifter nang inspeksiyunin ang mga ito.
Wala naman sa pagdinig si PDEA Director General Aaron Aquino dahil sa nauna umanong commitment, bagamat iginiit na ng mga opisyal ng komite na dumalo siya sa susunod na hearing.
-Charissa M. Luci-Atienza