ANG saya-saya nina Direk Jason Paul Laxamana, Bela Padilla, at JC Santos nang ibalita sa kanila na sila ang may pinakamaraming sinehan na paglalabasan ng pelikula nilang The Day After Valentine’s, na entry sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), produced ng Viva Films, na mapapanood na simula ngayong Miyerkules.

JC at Bela

Hindi nawawala ang mga ngiti nina Direk JP, Bela at JC sa premiere night ng The Day After Valentine’s dahil sa magandang balita sa kanila, at mas lalo pa silang naging proud dahil sa mga papuri pagkatapos mapanood ang pelikula sa Trinoma Cinema 7 nitong Lunes.

Dahil sa mga nilikhang sugat ni JC sa kanyang kanang braso kaya sila nagkakilala ni Bela sa isang ukay-ukay store, na labis naming ipinagtaka kung bakit mabilis na nakagaanan ng loob ng dalaga ang binata, iyon pala pareho silang may pinagdadaanan.

'Di kilala unang babaeng PH president?' Gurong contestant sa Showtime, trending sa X

Broken hearted si JC dahil sa ex-girlfriend na iniwan siya matapos niyang piliing manatili sa Pilipinas dahil tubong Hawaii siya.

Si Bela naman ay may kinikimkim na galit sa pamilya niya, dahil minaltrato siya ng kanyang ama na sa pakiramdam niya ay hindi siya ipinagtanggol ng nanay at kapatid, kaya nagpakalayu-layo siya pero hindi pa rin siya tuluyang makatakas sa nakaraan.

At dahil pakiwari ng dalaga ay nakakita siya ng taong puwede niyang sandalan kaya naging malapit siya kay JC, at tinulungang makalimutan ang ex-girlfriend.

Hanggang sa niyaya siya ng binata na sumama sa kanya sa pagbalik niya sa Lanai Island (Hawaii), dahil malapit nang mag-expire ang visa niya.

Dahil puro beaches ang pinasyalan nina JC at Bela sa Lanai Islands kaya ang mga katabi naming nanonood ay gustong pumunta ng dagat, kahit lubog ang buong Metro Manila at karatig bayan sanhi ng Habagat.

Refreshing sa mga nakapanood ang Lanai islands at marami tuloy gustong makarating sa mga lugar kung saan nagpa-picture sina JC at Bela.

Hanggang sa pakiramdam ni JC ay gusto na niya si Bela kaya naman umasa ang huli na sa pagbalik niya ng Pilipinas ay susunod sa kanya ang binata.

Nangako naman si JC na babalikan niya si Bela at magtatrabaho muna sa Hawaii para makatulong sa magulang.

Bumalik sa Pilipinas si JC at muli silang nagkita ni Bela, pero mas magandang panoorin ito ngayon sa mga sinehan para mas may kilig.

Tanda naming sabi ni Direk JP sa presscon ng Bakwit Boys, na hindi siya lumalampas sa budget na ibinigay sa kanya ng producer dahil alam niyang hard-earned money ito kaya nga hindi rin siya lumalampas sa araw ng shootings at higit sa lahat, hindi niya pinapagod nang husto ang mga artista at buong production team.

Para sa amin, magastos ang pelikulang The Day After Valentine’s ni Direk Jason Paul dahil may mga big scene siya at sa ibang bansa pa nag-shoot na ibig sabihin ay malaki ang budget na ibinigay sa kanya ng Viva Films?

In fairness wagi ang pelikula sa pa-Lanai Islands at isa rin siguro ito sa dahilan kaya nakakuha ng Grade A sa Cinema Evaluation Board at Parental Guidance (PG) naman ang ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), kaya tiyak na panalo ito takilya bukod pa sa lampas 100 sinehan ito mapapanood nationwide.

-Reggee Bonoan