5,000 performers sa Opening parade; 100,000 security sa Jakarta Asiad
JAKARTA, Indonesia (AP) — Kabuuang 100,000 police at sundalo ang nakaantabay at nagbabantay para sa seguridad ng mga kalahok, opisyal at turista sa gaganaping Asian Games – pinakamalaking multi-sports event na gaganapin sa bansa.
Nagsimula na ang aksiyon sa ilang sports, ngunit ang opisyal na pagbubukas ay nakatakda sa Agosto 18 para sa tradisyunal na parada ng mga atleta at paglagablab ng urn – ang simbolo ng mainit, ngunit patas na laban sa 32 sports na magtatagal hanggang Setyembre 2.
Inaasahang dadagsa ang may 12,000 atleta, officials, at support staff, gayundin ang 5,000 journalists para makiisa sa pagdiriwang sa Jakarta, Palembang sa isla ng Sumatra, at West Java.
Ito ang ikalawang pagkakataon na host ang Indonesia sa Asiad. Unang ginanap ang torneo dito noong 1962 sa pamumuno noon ni founding president Sukarno, na nagnanais na ipamukha sa international community ang matagumpay na liderato laban sa Western rule.
Sa kasalukuyan, ang Indonesia ay ipinapalagay na kabilang sa top 10 biggest economies sa mundo sa taong 2030.
Ayon sa Jakarta Asian Games Organizing Committee (JAGOC), lahat ng venues ay nasa maayos na katayuan ilang araw bago ang opening ceremony sa Sabado.
“All facilities were extremely wonderful,” ayon kay JAGOC member at sports ministry secretary Gatot S. Dewa Broto.
Kalulugdan ng international community ang inihandang palabas sa opening ceremony na tatampukan ng 5,000 performers.
“The Games will be inaugurated through a colossal ceremony as a way to show the world that Indonesia is a big nation that is capable of hosting an international event,” ayon sa JAGOC website.
Sa kabila ng ilang suliranin bunsod nang iba’t ibang krimen at trahedya ng paglindol na nagdulot nang dagok sa Indonesia at ikinasawi ng may 430 katao sa isla ng Lombok, nanatiling matatag ang pamahalaan ni president Joko “Jokowi” Widodo para masiguro ang tagumpay ng Asian Games.
Sa kabila ng mas maigsing paghahanda matapos umatras ang orihinal na host na Vietnam bunsod ng problema sa pinansiyal, nakatindig ang Indonesia ang nangako nang hindi malilimot na kasiyahan at karanasan sa ilalarhang quadrennial Games.
Umabot sa US$2 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para maipatayo ang mga bagong venues tulad ng velodrome at equestrian center at maisaayos ang main stadium kung saan ginanap ang opening ceremony noong 1962 Asian Games.