Mahalaga pa ring magkaroon ng seryosong talakayan kaugnay ng pagbabago ng Konstitusyon, gamit ang paraan na pinakamadaling intindihin ng taumbayan, ayon sa Malakanyang.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa mga natanggap na batikos ng kontrobersiyal na “Pepedederalismo” dance video, na nag-viral sa social media.

Dahil sa nabanggit na kontrobersiya, umani ng batikos si Communications Assistant Secretary Mocha Uson.

Depensa naman ni Roque, dahil sa nangyari ay nagtagumpay si Uson sa layuning mapag-usapan ng publiko ang isinusulong na federal form of government.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“I think Mocha Uson had the best of intentions kasi gusto niya talaga na mapag-usapan ang pederalismo ng mga tao na pang-araw-araw, ‘yung mga mamamayan natin. Pero siguro ‘pag usaping pederalismo ang pag-uusapan, dapat siguro mas seryoso dahil ito po ay Saligang Batas, ang pinakamataas na batas sa ating bayan,” sabi ni Roque.

“Alam ninyo, kinakailangang maintindihan nila sa isang lengguwahe na maiintindihan, pero kanya-kanya po tayong istilo. Siguro po, bagamat dapat maging mas seryoso, eh gawin din natin ito sa pamamaraan na maiintindihan. So ‘yan po ang paghahamon,” ani Roque.

Inamin naman ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nairita si Executive Secretary Salvador Medialdea sa nangyari at sinabihan siyang kailangang eksperto ang magpaliwanag sa publiko tungkol sa pederalismo.

“Medyo bad trip si Executive Secretary Medialdea kasi wala namang official announcement na may spokesperson ang federalism campaign,” sabi ni Andanar.

Mismong si Andanar ay nadismaya sa nasabing video.

“I want to know what was running through the minds of Mocha Uson and the blogger,” aniya.

-Argyll Cyrus B. Geducos at Beth Camia