ANG ganda-ganda ng aura ni Vhong Navarro sa presscon ng pelikulang Unli Life, na entry ng Regal Entertainment, Inc. sa 2018 Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP), na mapapanood na sa Agosto 15, sa direksiyon ni Miko Livelo.

Vhong

Bakas ang kasiyahan kay Vhong dahil kamakailan lang ay lumabas na ang desisyon ng korte na guilty ang verdict sa mga taong nanakit sa kanya, sina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at Jed Fernandez, sa kasong grave coercion.

Matatandaang tinakot-takot at binugbog si Vhong ng grupo ni Cedric dahil sa umano’y sumbong ni Deniece na gusto siyang halayin ng It’s Showtime host sa condominium unit ng modelo sa Bonifacio Global City, Taguig City noong January 22, 2014.

Tsika at Intriga

Marc Nelson, nagsalita matapos madawit sa legal battle nina Maggie Wilson-Victor Consunji

Pagkalipas ng apat na taon, nitong Hulyo 27, 2018 ay inilabas na ng Metropolitan Trial Court Taguig Branch 74 ang hatol laban kina Cedric, Deniece at Jed.Pagkatapos ng Unli Life presscon ay inamin ni Vhong sa media na sobrang masaya na siya ngayon dahil sa desisyon, at labis siyang nagpapasalamat sa mga taong nanalangin para sa kanya.

“Maraming nagdasal sa atin, isa na ako roon sa nagdasal, siyempre. Ang hiningi lang naman natin ay kung ano ‘yung tama, ano ‘yung justice. Kumbaga nagsimula ito ng 2014, halos maglilimang taon na rin, nagkaroon tayo ng hinga at nakita ng judge kung ano talaga ‘yung sinasabi ko,” bungad ng Unli Life lead actor.

Bagamat masaya si Vhong sa desisyon ng korte, inamin niyang hindi pa rin daw siya totally recovered.

“May mga bagay na ayaw ko nang pag-usapan kasi bumabalik (alaala) ulit. Kumbaga, nakakapag move-on na tayo kahit papaano, pero ‘pag nababalik ulit sa mga balita o sa mga tanong, hanggang maaari nga hindi na ako nanonood ng balita (news). Hindi na ako nagbabasa ng diyaryo, kasi nga hanggang maaari gusto ko nang dumidiretso gumanda ang buhay natin. Pero kapag (naalala), napapatigil ako.

“Pero positive naman ang mga balita ngayon kasi maraming nagdasal na ito ang maging resulta kaya nangyari. Kasi noon pa man hindi naman ako nagsinungaling, sinabi ko naman ang totoo,”pagtatapat ng aktor.

Napatawad na ba ni Vhong ang mga taong nagkasala sa kanya.

“Sinabi ko nga rati, ako naman willing magpatawad kung ang tao ay pinagsisihan niya kung ano ‘yung ginawa niya. Mahirap magpatawad kung ang tao ay hindi pa rin sila (nagsisisi) o may galit pa rin sila (sa akin) o (hindi) humihingi ng tawad, “katwiran ni Vhong.

At para makalimot, inamin ni Vhong na dumaan siya sa professional therapy.

“Oo, nung nasa hospital ako, at nung nakalabas na ako, may mga session pa rin akong ginawa.”

Samantala, hindi pa rin tiyak ang safety ni Vhong maski na nakakulong na ang mga taong nabanggit, kaya may payo sa aktor ang kanyang mga kaibigan.

“Sabi nila kailangan kong magdoble-ingat. Eh para naman sa akin, ibinibigay ko na lahat kay God. Kung anong mangyayari, mangyayari, nakatakda, nakatakda. Kumbaga gawin mo lang lahat (pag-iingat), kasi kung titigil ka dahil sa takot walang mangyayari sa atin,” pahayag pa ng aktor.

Marami pa raw pinagdaanang pagsubok si Vhong bukod sa grupo ni Cedric, dahil buong 2017 ay may mga nangyari rin sa kanta, at noong Enero 2018 ay pumanaw naman ang tatay niya, na sobrang malapit sa kanya.

“Panalangin ko, sabi ko nga, ‘akala ko po tapos na, akala ko po okay na, pero nandiyan pa rin po ang Inyong pagsubok’. Eh kailangan nating harapin iyon kasi dito tayo sinusubukan.

“After naman nu’ng nangyari sa Daddy ko, ito na muli ‘yung mga blessings. Kumbaga sinasabi ko ‘yung faith natin ‘wag mawawala, eh. Hindi ko sinasabing banal na banal ako, ha, nagiging totoo ako, kasi ‘yung mga dasal ko, nangyari lahat. Kumbaga wala namang mawawala kung magdarasal tayo,” kuwento ni Vhong.

Going back to Unli Life movie, hindi raw in-expect nina Vhong, kasama ang buong cast, na papasok sila sa Pista ng Pelikulang Pilipino, dahil nung sinu-shoot pa nila ang pelikula ay wala pa silang play date.

“Ine-enjoy lang namin ang shooting, hindi kami nagmamadali, kasi nga walang play date. Ang nangyayari kasi kapag may play date na, minamadali at nagsa-suffer ang quality ng pelikula.

“Itong Unli Life, since wala nga, ine-enjoy lang namin ang shooting kaya another blessing na natanggap kami sa PPP at first time ko na napasama sa PPP.

“Ito ise-share ko na rin sa inyo, sa ABS, kapag wala akong ginagawa o sa Showtime, dumadaan talaga ako ng chapel para magpasalamat, lagi ako ro’n,” napangiting sabi ni Vhong.

At dahil okay na lahat, ang balik-tanong kay Vhong, kailan naman ang kasal niya sa long-time girlfriend niyang hindi siya iniwan sa hirap at ginhawa.

Napangiti si Vhong. “’Yung date hindi ko puwedeng sabihin (pa).”

Nakapag-propose na siya?“Hindi ko pa rin puwedeng sabihin. Basta sinabi ko naman, siya na ‘yung forever ko, wala nang iba. Bumubuwelo na lang ako kung kailan. ‘Yung girlfriend ko kasi private, hindi sanay sa maraming tao. Kung gusto niya, tatlo lang kami nung pari gagawin ko ‘yun (biro lang). Kumbaga, doon naman talaga ang papunta. Siyempre nire-respect ko ‘yung gusto ng partner. Basta masaya ako,” masayang sabi ni Vhong.

Anyway, mapapanood din sa Unli Life sina Joey Marquez, Ejay Falcon, Donna Cariaga, Jon Lucas, Isabelle de Leon, Alex Calleja, Kamille Filoteo, Red Oliero, James Caraan, Anthony Andres, Jun Urbano with special participation of Dimples Romana, Joem Bascon, Jun Subayton, Epi Quizon, at Jhong Hilario.

Para sa updates ng Unli Lifem, i-follow ang Regal Entertainment Inc. sa Facebook, @RegalFilms sa Twitter, @RegalFilms50 sa IG at Regal Cinema channel sa YouTube

-REGGEE BONOAN