Sinibak ng Malacañang si Overall Deputy Ombudsman Arthur Carandang sa serbisyo ilang buwan makaraan nitong suspendihin ang opisyal dahil sa pagsasapubliko noong nakaraang taon sa mga detalye ng bank transactions ni Pangulong Rodrigo Duterte, nang walang pahintulot ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Kinumpirma kahapon ni Executive Secretary Salvador Medialdea na nagpalabas ang Malacañang ng dismissal order nitong Lunes. Sa nasabing desisyon, pinatawan din si Carandang ng accessory penalties na kanselasyon ng kanyang eligibility, pagkamkam sa kanyang retirement benefits, pagbabawal sa kanyang kumuha ng civil service examinations, at habambuhay na pagdiskuwalipika sa paglilingkod sa gobyerno.

Nag-ugat ang nasabing pasya sa mga reklamong administratibo na hiwalay na inihain noong Oktubre 2017 ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), nina Labor Undersecretary Jacinto Paras, at dating Biliran Rep. Glenn Chong.

Nakasaad sa desisyon na interesado lang si Carandang sa pagsasapubliko sa nasabing impormasyon na laban sa Pangulo.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

“His keeping mum about information that was favorable to the President clearly amounted to manifest partiality,” saad sa pasya.

Nakasaad din sa order ni Medialdea na napatunayang nagkasala si Carandang sa pagbibigay ng hindi kinakailangang benepisyo o bentahe sa ibang personalidad habang tumutupad sa kanyang tungkulin dahil sa nasabing partiality, bukod pa sa malinaw na nagpabaya sa trabaho.

Natukoy din na nilabag ni Carandang ang code of conduct and ethical standards for public officials and employees sa pagsasapubliko niya at maling paggamit sa confidential information “to give undue advantage to Senator (Antonio) Trillanes.”

“The transgressions of respondent Carandang constitute Graft and Corruption, as well as Betrayal of Public Trust, which gravely affect his fitness to remain in public office,” saad pa sa dismissal order.

Enero ngayong taon nang kasuhan ng Office of the Executive Secretary (OES) si Carandang ng grave misconduct at grave dishonesty for misuse of confidential information and disclosing false information.

Dahil dito, isinailalim din sa 90 araw na preventive suspension si Carandang.

Tumanggi naman si Ombudsman Samuel Martires na magkomento sa usapin at sinabi lang: “I have yet to assume office and read the decision.”

Matatandaang tumanggi ang pinalitan niyang si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales na kilalanin ang 90-araw na suspensiyon ng OES laban kay Carandang.

-ARGYLL CYRUS B. GEDUCOS, ulat ni Czarina Nicole O. Ong