Naniniwala si Senator Antonio Trillanes IV na mas malaki pa, at aabot sa bilyong piso ang mauungkat na anomalya sa Department of Tourism (DoT) kapag gumulong na ang imbestigasyon ng Senado laban sa kagawaran.

Aniya, hindi lamang ang P60-milyon advertisement contract na pinasok ng DoT sa programang “Kilos Pronto” nina Ben at Erwin Tulfo ang umano’y mga iregularidad sa kagawaran, na noon ay pinamumunuan ng kapatid ng mga Tulfo na si Wanda Tulfo-Teo.

“Hindi lang P60 milyon, bilyon ang budget ng DoT sa advertisement. At ‘yun ang ating aalamin,” ani Triillanes.

Ibinunyag din ni Trillanes na halos P100,000 umano ang buwanang sahod o honorarium ng asawa ni Teo na si Roberto Teo, ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), sa bawat komite o ahensiyang saklaw ng DoT.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Sinabi ni Trillanes na batay sa kanyang pagkakaalam, pitong ahensiya sa ilalim ng DoT ang saklaw umano ng mister ni Teo bilang board member ng TIEZA, o may P700,000 sahod bawat buwan.

Sinabi pa ni Trillanes na una na niyang hiniling sa Senate Committee on Tourism ni Senator Nancy Binay na imbestigahan ang DoT, pero inilipat ito sa Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Gordon na hihintayin pa nila hanggang bukas ang ilang dokumento na kanilang kailangan para maimbestigahan na ang usapin.

Ayon kay Gordon, sa kontrobersiya ng P60-milyon advertisement deal ay malinaw na may nangyaring paglabag, batay na rin sa ulat ng Commmission on Audit (CoA), at hinihintay pa ng kanyang komite ang mga dokumentong susuporta sa iba pang alegasyon na nakasaad sa reklamo ni Trillanes.

Matatandaang nagbitiw sa tungkulin si Wanda Teo bilang kalihim ng DoT sa kasagsagan ng nabanggit na kontrobersiya, at makalipas ang ilang araw ay inihayag ng abogado niyang si Atty. Ferdinand Topacio na isasauli ng magkapatid na Tulfo ang P60 milyon.

Gayunman, sa pahayag ni Ben Tulfo noong nakaraang linggo ay ipinadiinan niyang hindi nila isasauli ang nasabing halaga dahil tumupad ang kumpanya nilang Bitag Media Unlimited sa kontrata nito sa DoT.

-LEONEL M. ABASOLA