TRENDING nitong nakaraang linggo ang kasalan nina Lakas (Enrique Gil) at Ganda (Liza Soberano) sa epic seryeng Bagani, pero hindi pa man natatapos ang okasyon ay naghasik na ng lagim si Malaya (Kristine Hermosa), dahil inutusan na niya si Mayari (Sofia Andres) na patayin si Lakas.
‘Yun lang, hindi napuruhan ni Mayari si Lakas, kaya nakatayo pa ito at pilit na iniligtas, kasama ang ibang Bagani na sina Liksi (Zaijian Jaranilla), Dumakulem (Makisig Morales), at Lakam (Matteo Guidicelli) si Ganda, na nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Malaya.
“Hindi ako bibitaw, Ganda. Hindi kita susukuan, pigilan mo ang kapangyarihan mo, mahal ko,”sabi ni Lakas sa asawa.
“Nabuksan na ang itim na kapangyarihan, simula na ang katapusan ng Sansinukob,” sabi naman ni Malaya, na sinundan ng halakhak.
Bitin ang episode ng Bagani nitong Biyernes, at sa pagpapatuloy ngayong Lunes ay malalaman na kung ano ang magwawagi: ang Pag-Ibig versus Sandata, o Pag-Ibig versus Banta.
Ayon sa taga-production, ilang linggo na lang at magtatapos na ang Bagani, kaya abangan ang pakikipaglaban ng mga Bagani kay Malaya.
Samantala, back-to-school na si Liza, at nagawan na siya ng schedule para bigyang-daan ang pag-aaral niya. Ayon sa kaya ay kaya niyang pagsabayin ang shooting ng pelikulang Darna, at ang pagbabalik-eskuwela niya.
-Reggee Bonoan