NAKAMIT ng Far Eastern University ang kanilang ikatlong sunod na panalo at solong pamumuno sa women’s division makaraang walisin ang San Sebastian College, 25-15, 25-22, 25-18, nitong Sabado ng gabi sa Premier Volleyball League (PVL) 2 Collegiate Conference sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
“Na-achieve na namin paunti-unti yung chemistry ng team,” ani Lady Tamaraws coach George Pascua.
“Pero hindi madali yun, may process ‘yun and I trust the process naman.”
“Kumbaga, kung nung first game namin nasa fifty percent, second game sixty percent, nagyon nasa seventy percent na,” dagdag nito.
Ginamit ng Lady Tamaraws ang kanilang height advantage upang dominahin ang Lady Stags.
Gayunpaman, nagpakitang gilas pa rin ang rookie laden line up ni coach Roger Gorayeb at nakuha pang makatikim ng paglamang sa second set, 22-21 bago naubos sa huling stretch.
Dahil sa kabiguan, nanatiling walang panalo ang SSC matapos ang dalawang laro.
Pinangunahan ni Heather Guinoo ang panalo ng FEU sa ipinoste nitong 9 na puntos bukod pa sa 9 ding digs.
Sinundan siya nina Celine Domingo at Nette Villareal na kapwa tumapos na may tig-8 puntos.
Nanguna naman si Sofia Sarmiento para sa Lady Stags na binigyan ang Lady Tamaraws ng bonus na 32 puntos mula sa kanilang errors sa itinala nitong 7 puntos.
Kahapon, habang isinasara ang pahinang ito, may tsansang tumabla sa FEU sa liderato ang University of Santo Tomas na nakatakdang kalabanin ang San Beda University sa tampok na laro.
-Marivic Awitan