Libu-libong sako ng puslit na bigas, na nagkakahalaga ng P25 milyon, ang narekober ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa isang bodega sa Calamba, Laguna, kahapon.
Ayon kay BoC Commissioner Isidro Lapena, ilegal na inangkat ang naturang bigas mula sa Thailand, Vietnam, at China.
Aniya, iniri-repack ang mga ito upang palabasin na mula ito sa Pilipinas.
Ipinamamahagi rin, ayon kay Lapena, ang mga ito sa Oriental Mindoro, Nueva Ecija, Isabela at Palawan at sa iba pang karatig na lugar.
Nang salakayin ng Enforcement Security Service (ESS) ang lugar, nahuli sa akto ang mga trabahador na isinasalin sa ibang sako ang puslit na bigas.
Ayon pa kay Lapena, matibay itong ebidensiya na puslit ang mga nasabat na bigas na nadiskubre sa 234 J.P. Rizal Street, Calamba.
Hawak na ngayon ng BoC ang 10,000 sakong smuggled rice.
Paglilinaw ni Lapena, ilalabas sa publiko ang mga puslit na bigas kapag tumaas na ang presyo nito sa merkado.
“’Yung mga rice kapag hindi ni-release sa market, there will be artificial shortage of rice in the market then the price goes up. ‘Yan ang tinatawag nila na price manipulation. And then saka nila ilalabas itong mga stock nila kapag nagtaas na ‘yung price ng bigas sa market,” dagdag pa niya.
-Betheena Kae Unite