TAIPEI – Naisalpak ni Matt Nieto ang three-pointer sa buzzer para ihatid ang Team Philippines-Ateneo sa makapigil-hiningang 77-76 panalo laban sa Chinese-Taipei A nitong Sabado sa Xinzhuang Gymnasium sa 2018 William Jones Cup.

Bunsod nang kwestyunableng tawag na foul kay Thirdy Ravena sa pakikipag-agawan ng ‘loose ball’ kay Ying Chung-Chen, nakaabante ang host sa 76-74 mula sa dalawang free throws ni Chen may 3.1 segundo ang nalalabi.

Sa kabila nito, hindi nasira ang diskarte ng Nationals at nakagawa ng matikas na play si coach Tab Baldwin para sa game-winning basket ni Nieto na napatigagal sa homecrowd.

Kumubra si Nieto ng 13 puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nag-ambag si William Navarro ng 11 puntos at anim na rebounds, habang tumipa sina Angelo Kouame at Tyler Tio ng tig-walong puntos. Nalimitahan naman si Ravena sa pitong puntos, limang rebounds at apat na assists.

Bunsod ng panalo, tumatag ang kampanya ng Team Philippines (5-2) para sa podium finish. Sunod nilang haharapin ang Iran B Linggo ng gabi.

Iskor:

ATENEO PILIPINAS (77) - Nieto Ma. 13, Navarro 11, Tio 8, Kouame 8, Ravena 7, Mamuyac 7, Wong 6, Verano 6, Nieto Mi. 4, Go 4, Maagdenberg 3, Mendoza 0.

CHINESE TAIPEI BLUE (76) - Liu 24, Chen Y 17, Chou Y 12, Hu 9, Chou P 6, Chen G 6, Douglas 2, Peng 0, Chang 0, Lin 0, Zhen 0.

Quarterscores: 18-18, 36-35, 57-56, 77-76.