CAMPADDURU , TUGUEGARAO CITY- Arestado ang isang high value target (HVT) at apat pang drug personalities, kabilang ang dating barangay kagawad, sa magkakahiwalay na buy-bust operation, kamakalawa.

Sa pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ng Police Regional Office 2, arestado ang high value target na si Mark Obena, 20, ng Purok 2, Barangay Mabini, Santiago City, matapos niyang bentahan ng isang pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana, na tinatayang nasa 600 gramo, ang isang PDEA Agent na poseur buyer.

Nakumpiska rin kay Obena ang P500 buy-bust money; dalawang P500 bills; at P1,000 boodle money.

Sunod namang inaresto ng pinag-sanib na puwersa ng Solana Police at PDEA Region 2 Southern Cagayan ang dating barangay kagawad na si Efren Balubal, sa pagbebenta ng isang pakete ng pinaniniwalaang shabu at nakarekober din ang isang pang pakete ng pinaniniwalaang shabu, P500 buy-bust money; P1,000 bill; isang motorsiklo; at isang cal. 38.

Probinsya

Atimonan mayor, kinondena pamamaslang sa 10-anyos na batang babae

Samantala, arestado rin sa hiwalay na operasyon ang tatlong drug personality na kinilalang sina Bernardo Javier, 58, residente ng Rosario, Santiago City; Ariel Sabado, 29, ng Centro, Sta. Ana, Cagayan; at Jerry Galande, 31, ng Bgy. Masoc, Bayombong, Nueva Vizcaya.

Inihahanda na ang kasong isasampa sa mga suspek, habang isang pang kaso ang nakatakdang isampa sa naarestong high value target.

-Liezle Basa Iñigo