MAGTATAPOS na sa July 27 ang The Cure, one season o 13 weeks aabot ang airing ng epidemic drama, contrary sa unang nabalitang ika-cut short ang airing nito. Kaya masaya ang cast ng serye na nakausap namin sa press visit dahil napatunayang mali ang balita at talagang sinubaybayan ang story tungkol sa mga infected ng Monkey Virus Disease.
“We are taping now week 12 at nasa akin na rin ang script for week 13, at based sa nabasa ko, alam ko na ang ending namin. Pero iba ang dating once you watched it on TV. Pati kaming cast, inaabangan kung sino ang next na mawawala sa story at next na magiging infected, lahat kami kinakabahan,” kuwento ng isa sa mga bida ng serye na si Tom Rodriguez.
Nabitin lang si Tom sa action scenes at fight scenes niya dahil mula nang ma-experience niya kung paano makipagrambulan sa mga kaaway ay gusto na niya laging gumawa ng maaaksiyong eksena. Pinakapaborito niya ang fight scene na nasa ibabaw siya ng tumatakbong truck.
“Sobra akong nag-enjoy sa fight scene and I’m asking for more sana. May eksenang tatalon ako sa bangin, gusto kong gawin, pero natakot ako. Nang gawin ng double ko, nagawa niya at nainggit ako. Next time, paghahandaan ko pa ang fight scene ko,” pangako ni Tom.
Kapag natapos na ang taping ni Tom ng The Cure, magkukulong muna siya sa kanyang kuwarto to focus on his animation. May animation expo sa bansa sa September, at balak ni Tom na mag-present ng kanyang portfolio. Malay nga natin, baka matanggap siyang animator. Puwede niyang isabay sa showbiz ang pagiging animator.
Samantala, kinumusta si Tom sa house hunting nila ni Carla Abellana, at ibinalita niyang may nabili na silang lote na pagtatayuan ng magiging future house nila. Hindi na sinabi ng aktor kung saang lugar sila magpapatayo ng bahay.
Ibig ba nitong sabihin, kapag natapos ang bahay nila o habang ginagawa iyon ay magpapakasal na sila?
“Malabo ang wedding this year, next year? Hindi natin masabi, pero soon. Naalis na sa checklist namin ang house dahil magpapatayo na kami. Iisa-isahin namin ang nasa checklist,” sagot ni Tom.
Maganda nga dahil kapag natapos ang The Cure, si Carla naman ang may teleserye sa GMA-7. Kasama siya sa cast ng Pamilya Roces, na ididirehe ni Joel Lamangan.
-NITZ MIRALLES