AFP — Posibleng kakasuhan ng British caver na tumulong sa pagsagip sa 12 batang lalaki at kanilang coach sa isang kuweba sa Thailand si Elon Musk matapos siyang tawaging “pedo” ng negosyante sa mga komento na nagpabagsak sa shares ng Tesla.
Bumaba ng 3.01 porsiyento ang Tesla shares sa New York bunsod ng huling kontrobersiya na kinasangkutan ni Musk.
Pinatutsadahan ni Tesla CEO Musk si Vernon Unsworth matapos tawagin ng cave expert na “PR stunt” ang alok niyang miniature submarine para mailabas ang footballers mula sa Tham Luang cave.
Matagumpay na nailabas ang “Wild Boars” team nitong nakaraang linggo sa pagtutulungan ng international team ng divers.
Sinabi ni Unsworth, nagbigay ng mapping knowledge sa kuweba sa rescuers, na “absolutely no chance of working” ang prototype ni Musk.
Sumagot si Musk nitong Linggo sa serye ng tweet na tinatawag si Unsworth na “pedo guy”. Ang “pedo” ay pinaikling tawag sa pedophile.
Sinundan ito ng entrepreneur ng tweet sa kanyang personal account na: “Bet ya a signed dollar it’s true”. Kalaunan ay binura ni Musk ang kanyang tweets.
Sinabi ni Unsworth nitong Lunes na hindi pa niya nakikita ang buong tweets at narinig lamang ang tungkol dito. Ngunit nang tanungin kung magsasagawa siya ng legal action laban kay Musk kaugnay sa mga alegasyon, sumagot siya na: “If it’s what I think it is yes.”
Ayon kay Unsworth magdedesisyon siya sa pagbalik niya sa UK ngayong linggo, ngunit idinugtong na hindi pa sila tapos ni Musk.