HANGGANG tenga ang ngiti ni Adrianna So dahil kasama siya sa pelikulang Ang Babaeng Allergic sa Wifi na pinagbibidahan ni Sue Ramirez kasama sina Jameson Blake at Markus Paterson at idinirehi ni Jun Robles Lana, mula sa IdeaFirst Company na entry sa Pista ng Pelikulang Pilipino.
Gagampanan ng aktres ang karakter na Margeux at maraming insecurities sa sarili, “kinda mahaba ang role ko, maganda ang role ko. Love story ang Ang Babaeng Allergic sa Wifi, actually nakaka-iyak para sa akin,” kuwentong bahagya ni Adrianna.
Sabi niya sa amin na unang beses niyang mapasama sa film festival, “actually excited ako, kasi bukod dito sa Pista ng Pelikulang Pilipino, may Cinemalaya pa ako, kasama ako sa Distance kay Direk Perci Intalan naman.”
Pawang bit role lang daw ang mga nagawang pelikula ni Adrianna tulad ng The Escort, I Love You To Death, at Die Beautiful.
Hindi naman naghahanap ng bida role ang dalaga pero kung bibigyan siya, why not?
Sa Distance ay may kissing scene si Adrianna sa kapwa niya babae na ginagampanan ni Therese Malvar, na siyang bida sa Huling Cha Cha ni Anita, na coming of age naman ang kuwento.
Ano ang pakiramdam na babae ang kahalikan, “I’m good naman with kissing scene, okay lang ako. Mas maingat ka pa nga dapat, eh,” sagot ng dalaga.
Biro naming, kung hindi ba siya maglaladlad pagdating ng panahon, “no naman, clear pa naman sa akin kung anong gusto ko, ha, ha, ha,” tumawang sagot ng dalaga.
Menor de edad pa si Therese kaya inalam din naman kung hindi ba naasiwa si Adrianna na bagets pa ang kahalikan niya, “I think she’s (Therese) used naman kasi she had done indie films in the past so sanay siya sa gano’n saka nandoon ang mama niya everytime. Saka kailangan kasi sa movie ‘yong scene, siya ang love interest ko,” kuwento nito.
Kaya ang sunod na tanong namin sa aktres ay paano kung bading naman ang kahalikan niya, “wala naman pong problema basta walang sakit, ha, ha, ha. At saka depende po sa istorya. It’s more on the story.”
Sino ba ang gusto niyang makahalikan, “no one in particular naman, basta okay ang story, doon kasi ako magbe-base.”
Daring roles, okay din ba kay Adrianna? “Same answer din po, depende sa story. Hindi ko pa alam kung hanggang saan ang limitation ko, depende talaga.”
Nang matanong naman tungkol sa pangarap pa niyang makatrabahong direktor, pag-amin niya, “puwede ba si Direk Chito Roño?”
Samantala, isa pang ikinasasaya ngayon ni Adrianna ay isa siya sa endorser ng Diana Stalder dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng billboard na makikita sa lahat ng clinic ng dermclinic na matatagpuan sa Cubao, Araneta Center, Gateway Mall at Megamall.
-Reggee Bonoan