Wala umanong natatanggap na anumang banta sa buhay si Cebu Archbishop Jose Palma sa nakalipas na pitong taon ng pagiging arsobispo niya.

Ito ang reaksiyon ni Palma kasunod ng pagkakapatay ng mga pulis sa isang armadong lalaki na naghahanap sa kanya Archbishop’s Palace sa Cebu City, nitong Martes ng umaga.

Nagkataon namang wala si Palma sa kanyang tahanan nang maganap ang insidente dahil matapos dumalo sa regular na plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Maynila noong weekend, nagtungo siya sa Mindanao upang dumalo sa isang ordinasyon.

Sa pahayag ni Monsignor Joseph Tan, media liaison officer ng Archdiocese ng Cebu, pagkakalooban ni Palma ng tulong ang pamilya ni Jeffrey Cañedo, 41, bagamat hindi tinukoy kung anong klaseng ayuda ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Plano rin, aniya, ni Palma na dumalaw sa burol ni Cañedo sa sandaling makabalik na siya sa Cebu City.

Nabaril at napatay ng mga pulis si Cañedo sa loob ng Archbishop’s Palace sa D. Jakosalem Street sa nabanggit na lungsod, dakong 11:00 ng umaga.

Inihayag ng ilang staff ng arsobispo na ‘tila wala umano sa sarili si Cañedo at kahit sinabi na nilang wala si Palma ay ayaw pa rin nitong umalis at kung anu-ano ang sinasabi.

Dito na napilitan ang mga staff na tumawag ng pulis upang mapayapang mapaalis si Cañedo sa lugar.

Gayunman, nauwi sa barilan ang insidente na ikinasawi ni Cañedo, na sinasabing nais lamang umanong makausap si Palma upang humingi ng payo dahil sa kanyang problema sa buhay may-asawa.

Dahil dito, dumagsa naman ang panawagang bigyan ng bodyguard ang arsobispo ngunit si Palma ang magdedesisyon kung tatanggapin niya ito.

-Mary Ann Santiago