Hiniling ng gobyerno ng Pilipinas ang tulong ng mga awtoridad ng Iraq at Libya para mahanap at matiyak ang paglaya ng limang Pilipino na dinukot sa magkakahiwalay na insidente sa dalawang bansa, nitong nakaraang lingggo.
Sa isang pahayag, sinabi ng Department of Foreign Affairs na nakipag-ugnayan na ang mga embahada ng Pilipinas sa Baghdad at sa Tripoli kaugnay sa pagdukot sa limang Pinoy ng mga hindi pa rin nakikilalang armadong lalaki.
“We are in touch with authorities in Iraq and Libya and have requested their assistance in locating and securing the release of our missing kababayan,” ani Foreign Secretary Alan Peter Cayetano.
Sinabi ng Philippine Embassy sa Baghdad na dalawang Pilipina ang dinukot sa highway sa Uzem District, sa timog ng Kirkuk.
Ayon sa mga ulat na nakalap ni Chargé d’Affaires Julius Torres, apat na Pinay ang nasa sasakyan patungo sa Baghdad mula Kurdistan nang harangin sila ng mga armadong lalaki.
Batay sa mga natanggap na ulat ng Embassy, inabandona ng driver ang sasakyan at tinangay ng mga armadong lalaki ang apat na babae. Nakatakas ang dalawang Pinay, at nasa kustodiya na ngayon ng pulisya.
Sa insidente naman ng pandudukot sa Libya, sinabi ni Philippine Embassy in Tripoli Chargé d’Affaires Mardomel Melicor na tatlong Pinoy technicians ang kabilang sa apat na banyagang dinukot ng mga armadong kalalakihan mula sa isang waterworks project site, nitong Biyernes.
Pinasok umano ng mga armadong lalaki ang construction, may 500 kilometro ang layo mula sa Tripoli, at tinangay ang limang banyaga at apat na Libyan mula sa kanilang living quarters.
Kalaunan ay pinakawalan ng mga armadong lalaki ang isang foreign workers at ang lahat ng Libyan.
Naniniwala ang gobyerno ng Irag na Shiite militias ang nasa likod ng pagdukot, habang Islamist militants na konektado sa al Qaeda at Islamic State ang pinaghihinalaan ng Libya na responsable sa pagdukot.
-ROY C. MABASA at BELLA GAMOTEA