Huwag magpabiktima sa mga taong nakikipagkaibigan gamit ang social media, dahil baka maloko ka nila gamit ang pangalan ng Bureau of Customs (BoC).
Nagpalabas nitong Martes ang Public Information and Assistance Division ng BoC ng mga impormasyon kung paano matutukoy ang isang scammer, bilang bahagi ng pagbabahagi ng kaalaman sa mga netizens.
Ayon sa BoC, makikilala mo ang isang scammer “when he or she uses suspicious account to attract your attention.”
Una, nagpapadala ang mga ito ng mga personal na mensahe para kaibiganin ka. Magkukunwari silang interesado sa ’yo, ayon sa BoC.
Kapag nakakuha na ng koneksiyon sa biktima, sasabihin ng BoC na nagpadala sila ng package o regalo ngunit hinarang ng Customs.
May ilan pang magsasabi na kinakailangan na nilang bumalik ng bansa, pero naharang sila sa Customs at kailangan nila ng pera para sa kanilang paglaya o pagpapalabas ng package.
Mula sa puntong ito, ayon sa BoC, mahahalata na ng isang tao na may mali sa sitwasyon.
Upang maisagawa ang balak, hihikayatin nila ang kanilang mga biktima na mag-deposit ng partikular na halaga ng pera sa isang personal account, o sa pamamagitan ng money transfer upang mailabas ang package na sinasabing hawak ng BoC.
“Ang BoC ay hindi nakikipag-ugnayan via phone call, text, o email sa receiver ng parcel upang sabihin na magdeposito o magpadala ng pera sa personal bank account o via money transfer para mai-release ang inyong package,” muling paalaala ng ahensiya.
Idinagdag din nito na maaari lamang makipagtransaksiyon ang publiko sa mga authorized agent bank (AAB) para sa mga kailangan nilang bayaran.
Samantala, isa pang kahawig na insidente na tinatawag na “love scam” ang natuklasan nitong nakaraang taon ng BoC. Sa nasabing scam, kakaibiganin ng suspek ang biktima, magkukunwaring may gusto rito, saka pangangakuan na magpapadala ng regalo. Agad na palalabasin ng suspek na hinarang ng BoC ang padala at kalaunan ay hihingi ng pera sa biktima.
“If things are too good to be true, get out, that’s a trap,” pahayag ni Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Hinikayat din ng ahensiya ang publiko na isumbong ang anumang kahalintulad na insidente sa BoC sa pamamagitan ng hotline nito o sa Philippine National Police Cyber Crime Division.
-Betheena Kae Unite