TUWING pinag-uusapan kung gaano kaganda ang Pilipinas, tinutukoy marahil natin ang ating mga lalawigan at bayan. Pero sa totoo lang, may magaganda rin namang lugar sa Metro Manila—ang makasaysayang Intramuros, ang kakaibang pang-akit ng Maynila, at ang modernisasyon ng mga business district nito.
Subalit wala na marahil hihigit sa ganda ng mga lalawigan ng Pilipinas. Ako mismo ang makapagpapatunay nito dahil masuwerteng nalibot ko ang maraming probinsiya sa bansa sa pag-iikot ko noon para mangampanya o bilang lingkod-bayan. Nagkaroon din ako ng pagkakataong mapagmasdan ang ganda ng Pilipinas bilang negosyante sa pagbisita ko sa mga lugar na pinagtayuan ng aming real estate at retail business.
Tuwina’y may espesyal na puwang sa puso ko ang mga lalawigan ng Pilipinas. Sa totoo lang, laging ito ang pinagmulan ng tagumpay ng Camella Homes. Nang sumabak kami sa pagpapalawak ng negosyong ito matapos ang krisis pinansiyal noong 1998, siniguro kong ang pinakamagagandang komunidad ng Camella ay maitatayo sa mga lalawigan. Hindi sa Metro Manila kundi sa mga probinsiya.
Sa isang banda, ang ideyang ito ay taliwas sa tradisyunal na paniniwala na ang pinakamagagandang istrukturang pangnegosyo ay dapat na matatagpuan sa sentro ng kaunlaran ng bansa. Para sa amin, kabaligtaran ito. Itinayo namin ang pinakamagagandang Camella Homes sa kaakit-akit na mga lalawigan sa bansa.
Ang pilosopiyang ito rin ang naging gabay ng aming retail businesses. Ilang linggo na ang nakalipas nang pasinayaan namin ang napakagandang Vista Mall sa Iloilo. At masuwerte kami na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa pagbubukas ng ika-23 mall namin sa bansa.
Nais kong personal na pasalamatan si Pangulong Digong sa paglalaan ng panahon sa napaka-busy niyang schedule upang dumalo sa pagbubukas ng Vista Mall sa aming kasimanwa sa Iloilo. Patunay ito ng dedikasyon ng Presidente sa ideyang kailangang suportahan ang pagsusulong ng kaunlaran sa mga lalawigan.
Simula nang maluklok sa puwesto noong 2016, hinimok ng administrasyong Duterte ang publiko na huwag masyadong pagtuunan ang kapital at bigyang-pansin ang pagpapaunlad sa mga probinsiya. Sa munti naming paraan, sinusuportahan ng Vista Land ang inisyatibong ito sa pagtiyak na ang ating mga kababayan sa mga lalawigan ay napagkakalooban din ng de-kalidad na pabahay, magagandang komunidad, at pinag-ugnay-ugnay na proyektong pangkaunlaran.
Ang pagbubukas ng Vista Mall Iloilo ang nagbigay-daan sa aming mall expansion sa labas ng Greater Manila area. Mayroon kaming mga residential project sa 47 lalawigan sa 141 siyudad at munisipalidad sa bansa at ang pagtatayo ng mga mall sa karamihan, kundi man sa lahat, ng nabanggit na mga lugar ay magsisilbing kontribusyon ng Vista Land sa pagtiyak na hindi mapag-iiwanan ang mga probinsiya.
Matatagpuan sa 500-ektaryang Vista Land Communicity Savannah sa Oton. Ito ang pinakamalaki naming proyekto sa buong Visayas. Subalit gaya ng binigyang-diin ko sa aking speech: “Hindi lang pinakamalaki ang habol ko, ang habol ko ay pinakamaganda.”
Lubhang malapit sa puso ko ang proyektong ito dahil isinasakatuparan nito ang hangad naming magtayo ng isang kumpleto at nagsasariling komunidad para sa mga Ilonggos—sa pagbubukas ng “communicities”, o ang mga urban expansion na nagtatampok ng magagandang pabahay na nagkakaloob ng maginhawang pamumuhay.
Sa maikli niyang talumpati, hinimok ng Pangulo ang Vista Land at ang iba pang kumpanyang Pinoy na patuloy na mamuhunan para makapagbigay ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino. “What is really very redeeming is that it (Vista Land) is owned by a Filipino,” anang Pangulo.
Pinasasalamatan natin ang Pangulo sa kanyang hindi nagmamaliw na suporta. Tutugunan natin ang panawagan ng Presidente. Patuloy nating susuportahan ang kanyang mga polisiya para bigyang puwang ang kaunlaran sa mga lalawigan. Sa katunayan, nitong Hunyo 15, 2018 ay nagbukas din kami ng Vista Mall Naga para naman sa mga minamahal nating Bikolano. Ang aming Vista Mall sa Naga at ang iba pang mga retail brand—AllHome, All Day, at Coffee Project—ay bahagi ng pangako nating bigyan ang mga Bikolano ng naiibang retail experience na karapat-dapat naman para sa kanila.
-Manny Villar