LUMUNG-LUMO ang aktres na si Patricia Javier matapos siyang mabiktima ng ‘Basag-Kotse’ gang sa tapat ng isang kainan sa Antipolo City, Rizal, nitong Linggo ng gabi.

Patricia copy

Personal na nagtungo si Patricia sa tanggapan ng Police Community Precinct 1 ng Antipolo City Police upang ireklamo ang insidente.

Batay sa reklamo ni Patricia, dakong 8:15 ng gabi nang mangyari ang pagnanakaw sa tapat ng isang kilalang kainan sa Masinag sa Barangay Mayamot, Antipolo, malapit sa tabi ng isang shopping mall.

Claudine umapela ng dasal para sa 87-anyos na nanay: 'She is the only parent I have left'

Kuwento ni Patricia, kumakain siya at ilang kasama sa isang kainan nang marinig niyang nag-alarm ang kanyang sports utility vehicle (SUV).

Inakala umano ni Patricia na nasagi lang ng dalawang naka-scooter na lalaki ang kanyang kotse kaya nag-alarm ito.

Gayunman, nang tingnan ng aktres ay napansin niyang basag na ang bintana ng passenger’s seat ng kanyang SUV.

Natangay ng mga hindi nakilalang suspek ang kanyang Louis Vuitton bag na naglalaman ng ATM at credit cards, wallet na may P10,000 cash, Asus cell phone na nagkakahalaga ng P17,000, diamond necklace na nagkakahalaga ng mahigit P300,000, at mga personal na gamit.

Ayon kay Patricia, napakahalaga sa kanya ng naturang kuwintas, na may inisyal niyang PJ, dahil binili umano niya ito noong kasagsagan ng kanyang kasikatan.

Hinala naman ni Patricia, kasabwat ng mga kawatan ang batang lalaki na gumabay sa pagpa-parking niya at dalawang beses na tumawag sa kanyang atensiyon upang magpalabas ng ibang kotseng paalis sa lugar.

Susuriin naman umano ng mga pulis ang CCTV footages ng naturang kainan upang matukoy at madakip kung sino ang may kagagawan ng pagnanakaw.

Batay sa tala ng pulisya, pangatlo na si Patricia sa nabiktima ng Basag-Kotse sa nabanggit na lugar.

-MARY ANN SANTIAGO