Inaasam ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pakikipagdayalogo niya kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president Davao Archbishop Romulo Valles para mapabuti ang kooperasyon sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na palagi namang bukas sa diyalogo ang Pangulo sa concerned groups, at “priority” nito ang pakikipagpulong sa CBCP president.
“Very high ang ating expectations because there’s very good relation between the President of the CBCP and the President of the Republic. Both of whom are natives of Davao,” ani Roque sa press conference sa Leyte.
“Sa tingin ko ang Presidente po rin ay handa magdayalogo. Siguro panahon na rin po, dahil medyo matagal na siguro silang hindi nakapag-uusap ng Obispo niya mismo na taga-Davao,” naunang sinabi ni Roque sa panayaman sa radyo.
Gayunman, hindi pa naisasapinal ang petsa ng pagpupulong ng dalawa.
“Ang simbahan po ang hindi makasagot dahil meron silang ginanap na pagpupulong over the weekend sa Tagaytay. Pero ngayong tapos na po iyan, eh tingin ko naman po magiging prayoridad iyan ng parehong Presidente at ang presidente ng ating CBCP na isang taga-Davao din,” aniya.
Inihayag ang planong dayalogo sa pagitan nina Duterte at the CBP matapos ang closed-door meeting ni Roque kay Papal Nuncio to the Philippines Gabriele Giordano Caccia sa Manila nitong Biyernes.
-Genalyn D. Kabiling