Si Senate President Vicente “Tito” Sotto III o mas kilala ng masang Pilipino na Tito-Sen ay nananatiling isa sa iilang suhay ng bayan na kontra droga. Umuugat ang kanyang paninindigan sa pang-unawa na dapat ang aralin at kampanya laban sa masasamang bisyo ay kailangang magsimula sa bawat tahanan ng pamilyang Pilipino.
Mula pa noong unang naging Bise-Alkalde sa Quezon City, si Tito-Sen ang nagtanim ng binhi ng tinaguriang “drug watch” sa ating kanya-kanyang komunidad. Ito ang kampanya na unang nasimulan sa mga barangay sa QC at siyang naging pundasyon sa pagtatayo ng BADAC o Barangay Anti-Drug Abuse Council sa buong bansa.
Alinsunod sa malawakang gera laban sa ipinagbabawal na gamot, nagpanukala si Senator Sotto ng Senate resolution 702 na humihikayat sa Pangulo na magpalabas ng ‘Presidential Office on Drugs and Crimes. Ayon sa Senate Resolution, ang palaging suliranin sa anti-drug and crime operation ay ang kapalpakan sa epektibong paglilitis. Sa kasalukuyan, umaabot sa 80 porsyento hanggang 90 porsyento ang antas ng pag-dismiss sa mga kaso ng droga. Kahit pa may sustansiya ang pinanghahawakang ebidensya ng mga Korte, nakalulusot pa rin ito dahil sa kakulungan ng koordinasyon sa pagitan ng mga taga-pagpatupad sa batas at piskalya sa pagpapalakas ng kaso.
Upang maresolba ang problemang ito, kailangan na talagang maitatag ang Presidential Office on Drugs and Crimes (POODAC) sa pamamagitan ng Executive Order. Layunin ng POODAC na masigurong epektibong malilitis ang mga krimen sa droga, magluwal ng mga programa at pamamaraan upang patibayin ang prosekusyon, kasabay ng pag-alalay sa mga nanghuhuling ahensya sa bansa. Ang mga piskal ay dapat na naka-umang sa Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcemnet Agency (PDEA), at National Bureau of Imvestigastion (NBI) upang payuhan, tanganan, at subaybayan sa implementasyon ng anti-drugs operations, lalo na sa mga “high profile” na sangkot sa illegal drugs.
Pag-iisahin sa POODAC ang Department of the Interior and Local Government (DILG), PNP, PDEA, NBI, Bureau of Customs (BoC), at Department of Justice (DoJ). Ang Sol-Gen. ang magsisilbing ‘commander’ nito. Magkakaroon din ng Deputy-Commanders mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao, na hugot din mula sa mga Undersecretaries at Assistant Secretaries ng DoJ, DILG, Dangerous Drugs Board (DDB), PNP, at PDEA para walang dagdag gastos mula sa kaban ng bayan.
-Erik Espina