MANALO ng mas maraming medalya para sa kampanya sa darating na Asian Games ngayong Agosto 18 hanggang Setyembre 2 sa Indonesia, ang nais maisakatuparan ng Philippine Athletics track and field Association (PATAFA).

Ito ang siyang apela ni PATAFA president Philip Ella Juico kung saan nais nitong magdagdag pa ng pitong atleta, bukod sa naunang anim na inaprobahan ng Philippine Olympic Committee (POC).

Una nang inaprobahan ng POC ang mga atleta na sina three-time Olympian Marestella Torres-Sunang (long jump), marathoner Mary Joy Tabal, pole vaulter EJ Obiena, middle-distance runner Marco Vilog, triple jumper Harry Diones at decathlete Aries Toledo.

Isinumite na rin ni Juico sa POC ang mga pangalan nina vaulter Natalie Uy, sprinter Cristina Knot, 800m specialist Carter Lily, long jumper Junrey Ubas, 110m hurdler Clinton Clark Bautista, sprinter Anfernee Lopena at si Francis Medina (400m hurdles).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bukod sa mga nasabing atleta, kasama rin sa listahan si Southeast Asian Games double-gold medalist Trenten Beram, kung saan inaasahan din nila ang paglahok ni Eric Clay.

Nabigo na makasali ang dalawang Fil-ams na sina Beram at Clay sa Korean Open, kung saan nabigo ang mga ito na ipaliwanag sa PATAFA ang dahilan ng kanilang hindi paglahok. Gayunman ay naipaliwanag na ni Beram ang kanyang panig hinggil sa isyu, ngunit hindi pa rin nagpapakita si Clay.

Binigyan ng PATAFA si Clay ng 10 araw upang magpaliwanag sa kanyang pagliban kasabay ng pagbuo ng isang kumite na magdedesiyon kung dapat bang bigyan ng parusa ang nasabing Fil-am sa kanyang hindi pagdalo sa kompetisyon sa Korea.

Ang nasabing kumite ay binubuo nina Atty. Nicanor Sering, Patafa, secretary general Renato Unso at ang board member na si Jeanette Obiena upang magbigay ng kaukulan desisyon patungkol kay Clay.

Bagama’t naglaro sa nakaraang national Open sa Ilagan Isabela ang dalawang Fil-Am, namili lamang ang mga ito ng mga events na kanilang sasalihan.

-Annie Abad