MAAARING nagkataon lamang na matapos tayong gulantangin ng ulat hinggil sa pagpatay sa tatlong pari habang sila ay tumutupad ng kanilang banal na misyon, isa namang alagad ng Simbahang Katoliko ang itinuturong pumaslang sa isang 28-anyos na babae. Kinilabutan ako sa ulat na ang biktima, si Jeraldyn Rapinan, ay natagpuang may mga saksak sa katawan at nakagapos ang mga paa at kamay sa madamong bahagi ng Maharlika Highway sa Del Pilar, San Fernando sa Camarines Sur, noong Hunyo 15.
Gusto kong maniwala na halos imposibleng maganap ang naturang nakakikilabot na krimen, lalo na kung iisipin na ang tungkulin ng mga pari at ng iba pang alagad ng pananampalataya ay nakatuon lamang sa pagpapalaganap ng mga utos ng Maykapal. Subalit maliwanag ang pahayag ni archdiocesan chancellor Fr. Darius Romulado: “The archdiclocese, at the moment, is conducting its own investigation in accordance with the Code of Canon Law.”
Nangangahulugan na nagpasiya ang Archdiocese of Caceres na magsagawa ng sariling pagsisiyasat dahil marahil sa labis nilang pagkabahala sa nabanggit na alegasyon. Kaakibat ito ng kanilang pakikipagtulungan sa mga awtoridad na nag-imbestiga sa sinasabing karumal-dumal na pagpaslang. Marapat lamang ang kahilingan ng pamunuan ng Simbahan na maging mahinahon, kalakip ang mga panalangin, habang hinahanap ang katotohanan sa naganap na pangyayari.
Sa kabila ng malagim na mga krimen na laging gumugulantang sa atin, lalong tumibay ang aking paninindigan na walang lohika ang mga kahilingan na armasan ang mga alagad ng Simbahang Katoliko at iba pang religious sector. Kabilang na rito ang iba pang grupo na tulad ng mga guro at mga propesyonal sa iba’t ibang larangan ng pagpupunyagi.
Totoo na lubhang kailangan ng nabanggit na mga grupo ang anumang sandata upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga kriminal. Ngunit pinatutunayan ng mga pangyayari na ang pagbitbit ng baril ng mga pribadong mga mamamayan ay lalo lamang nagsisilbing batobalani o magnet na mistulang humahamon sa mga kriminal, hired killers at mga kampon ni Satanas na naglipana sa mga komunidad. Madalas kaysa hindi, ang mga gun holders ay nauunahan ng mga salarin at hindi na naipuputok ang kanilang mga baril.
Talagang nakababahala ang kabi-kabilang pananampalasan ng mga kampon ng kadiliman. Kung hindi na tayo maipagtatanggol ng mga alagad ng batas na dapat mangalaga sa ating kaligtasan, pag-ibayuhin na lamang natin ang ating pag-iingat; tanggapin natin na sa bawat sandali, ang ating buhay ay laging nasa bingit ng kamatayan dahil sa naglipanang masasamang elemento ng lipunan.
-Celo Lagmay