ZAMBOANGA CITY - Isang senior sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) na may P600,000 patong sa ulo ang natimbog sa Jolo, habang sugatan naman ang walong sundalo matapos sumabog ang isang bomba sa clearing operation sa encounter site sa Patikul, Sulu, nitong Linggo.

Dinampot ng mga pulis si Suaib Hayudini malapit sa isang remittance center sa Jolo, Sulu, nitong Linggo ng tanghali.

Paliwanag ni Sulu Police Provincial Office Director Senior Supt. Pablo Labra, nahaharap si Hayudini sa kasong kidnapping with ransom at kidnapping with murder at frustrated murder.

Dalawa rin, aniya, ang standing warrant of arrest nito kaugnay ng kidnappping sa Sipadan beach resort sa Malaysia noong 2001 at sa 2001 Balobo massacre incident sa Basilan.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Nakalista rin, aniya, si Hayudini sa most wanted personalities ng Department of National Defense (DND) at Department of Interior and Local Government (DILG).

Kaugnay nito, walong sundalo ang nasugatan nang masabugan ng improvised explosive device (IED) sa encounter site sa Barangay Bangkal, Patikul, Sulu, dakong 2:40 ng hapon.

Ang mga sugatang sundalo ay kaagad na dinala sa Kuta Heneral Teodulfo.

Nagsasagawa ng military operations ang 1st Scout Ranger Battalion nang mamataan nila ang grupo ng mga bandido, na pinamumunuan ng sub-leaders na sina Almujer Yaddah, Sonny Boy Sajirin, at Ellam Hasirin, sa Bgy. Bangkal, Patikul.

Pinaniniwalaan din ng militar na maraming napatay at nasugatan sa nasabing labanan, dahil na rin sa nakitang mga patak ng dugo sa dinaanan ng mga rebelde.

-NONOY E. LACSON