Umaasa ang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs na pagtitibayin ng liderato ng Kamara ang polisiya na magsasailalim sa lahat ng 292 kongresista sa mandatory drug testing, kahit pa una nang idineklara ng Korte Suprema na labag ito sa batas.

Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, panahon nang pagtibayin ng Mababang Kapulungan ang nasabing polisiya makaraang ilang kongresista ang sinasabing kabilang sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kung ito (mandatory drug test) ay magiging isang polisiya ng leadership ng House lalong mas mabuti na kaming lahat ay magpasailalim sa isang drug test,” sinabi ni Barbers sa isang panayam sa radyo.

Aniya, bago pa magbukas ang 17th Congress noong Hulyo 2016 ay boluntaryo na siyang sumailalim sa drug test upang patunayan sa kanyang mga constituents na seryoso siya sa laban niya kontra ilegal na droga.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Sinabi ni Barbers na dapat na magpa-drug test ang lahat ng halal na opisyal sa bansa.

“Sa aking palagay, sama mo na d’yan mga congressmen, mga senador, mga governor, mayor. Lahat ng elected officials, sa aking paniwala, ay kailangang ipasailalim sa drug test, noh. At ipakita o i-announce sa publiko ang resulta ng drug test na ito,” ani Barbers.

Taong 2008 nang ideklara ng Kataas-taasang Hukuman na ilegal ang Section 36 (g) ng Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) na nag-oobliga sa mga kandidato sa national at local elective post at sa mga nahaharap sa mga kasong kriminal na may parusang mahigit anim na taong pagkakabilanggo na sumailalim sa drug testing.

-CHARISSA LUCI-ATIENZA