Naglabas na ng listahan ang Philippine Sports Commission (PSC) ng mga National Sports Associations (NSAs) na mayroon pang nakabinbin na unliquidated cash advances.
Halos lahat ng kabuuang 52 NSAs ay mga ‘utang’ na dapat mairesolba sa PSC bagama’t ilan ay may malalakig halaga na kailangan ibalik sa PSC.
Kabilang sa may mga pinakamalaking unliquidated cash ay ang Philippine Sport Association for Differently Abled (Philspada) na may kabuuang P16, 296, 510.38.
Bukod sa Philspada, nasa listahan din ng may pinakamalaking utang sa PSC ang Philippine Sailing Association na may P14, 096,651.01, kasama din ang Philippine Swimming Incorporated (PSI) na may kulang pa na P9, 337, 614. 62.
Kasama rin ang Wrestling Association of the Philippines (WAP) na may kulang pa na 8,340,549.99, ang National Chess Association na kailangan magbalik ng 7,865,727.22 at ang Philippine Volleyball Association (PVA) na kailangan ibalik ang halagang P5,672,944.50.
Nauna nang nagbigay babala ang PSC kamakailan sa mga NSAs na may utang sa kanila na ibalik ito sa lalong madaling panahon upang maaprobahan ang mga hiling nilang bagong financial assistance.
Sakaling mabigo ang mga NSAs na maibalik ang kanilang mga kulang sa PSC, sinabi ni Commissioner Ramon Fernandez na walang ilalabas na tulong pinansyal ang ahensiya para sa kanila.
“I’m sure they understand. And besides COA ang nag utos niyan. Sumusunod lang kami,” sambit ni Fernandez.
-Annie Abad