PINAGPALIWANAG ng Korte Suprema si Chief Justice Maria Sereno kung bakit hindi siya dapat papanagutin sa salang contempt of court at sa paglabag ng judicial at legal ethics. Hindi raw dapat tinalakay ni Sereno ang kasong warranto dahil nakabimbin pa ito sa Korte. Pagkatapos kasing ibaba ang hatol sa kaso na pinatatalsik siya, nagsampa siya ng motion for reconsideration para baligtarin ito. Dahil hindi pa nadedesisyunan ng Korte ang kaso, dapat na ito ay pinag-uusapan muna bilang paggalang sa patakarang sub judice. Ang paglabag dito ay paglabag din sa judicial at legal ethics na si Sereno mismo ang nakakaalam at dapat sumunod, ayon sa Korte.
Sa kanyang paliwanag na isinumite sa Korte, sinabi ni Sereno na ipinagtanggol lamang niya ang kanyang sarili laban sa ilang mahistrado at kay Solicitor General Jose Calida. “Kailangan ipaliwanag ko sa publiko ang ginawa sa akin pagkatapos na hindi dininig ang paulit-ulit kong kahilingan na ibigay sa akin ang karapatan ko sa due process,” pagtatanggol ni Sereno. Napakalaki ng kaugnayan ng due process sa sinasabi ni Sereno na ipinagkait sa kanya, sa judicial o legal ethics na, ayon sa Korte, ay nilabag niya.
Ang pagkakait kay Sereno ng kanyang karapatan sa due process ang ayaw pakinggan ng limang mahistrado at paulit-ulit ang kahilingin ni Sereno na huwag silang makilahok sa pagdinig at paghatol sa kaso. Ang limang ito ay tumestigo laban sa kanya nang ilang beses sa House Committee on Justice na duminig sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Larry Gadon laban sa kanya. Parang ang ginawa ng limang mahistrado ay sa Kongreso sila nagsumbong at nagreklamo laban kay Sereno. Maaasahan pa bang magiging patas sila sa paghatol sa quo warranto case laban kay Sereno gayong maliwanag na ipinakita na nila na may kinikimkim silang sama ng loob sa kanya. Wala nang maliwanag na makikita sa kanila kundi ang gumanti kay Sereno.
Eh ang due process ay nangangahulugan hindi lamang na ang nililitis o pinanagot ay binigyan ng pagkakataong idepensa ang kanyang sarili. Dapat ang dumidinig din ay may hindi matatawarang katangian na patas at walang kinikilingan o may itsura nito. Lumabag sa judicial o legal ethics ang limang mahistrado nang ayaw kumalas sa kaso bagkus nakilahok pa sa paggawad ng desisyon. Ano ang maaasahan pa sa kanila kundi ang makisama sa kapwa nilang mahistrado na bumoto laban kay Sereno.
Ngayon, kasama sa limang mahistradong ito ang nagpapanagot kay Sereno sa salang paglabag sa judicial at legal ethics na sila mismo ang lumabag. Ang mabigat pa nilang gustong maging parusa kay Sereno ay alisin ang kanyang pangalan sa Attorneys’ Roll ng bansa. Makatuwiran ba ito? Kung ang kapwa nila mahistrado, pinakapuno pa nila, ay ganito nila tratuhin, paano pa ang mga nakabababa sa kanila? Ano na ang kahalagahan ng judicial at legal ethics na dapat sundin ng mga abogado upang ang propesyon ay hindi maabuso at magamit laban sa mamamayan? Pinasasama lang ang propesyon ng abogasya
-Ric Valmonte