By Clemen Bautista
ISA nang tradisyon at kaugalian sa iniibig nating Pilipinas at maging sa ibang bansa na ipinagdiriwang ang FATHER’S DAY tuwing sasapit ang ikatlong Linggo ng Hunyo. Tulad ng ating mga ina, ang mga ama ngayon ay pinararangalan, binibigyang-pugay, itinataas ang pagka-ama, pagmamahal sa mga ama at ang tungkulin ng ama sa lipunan. Kung ang mga ina ay nakadambana sa sangkatauhan dahil sa natatangi nilang tungkulin sa lipunan – ang ilaw ng tahanan ng buong mundo – nararapat ding parangalan ang mga ama na nagsisilbing haligi ng tahanang inaaruga ng mga ina. Kapwa sila may mahalagang tungkuling ginagampanan sa pag-aalaga sa mga anak at pagpapanatili ng katatagan ng pamilya.
Bilang pagpapahalaga, ang pamilya, kasama ang mga apo ay may iba’t ibang paraan na gagawin sa pagdiriwang ng “Fathers’ Day”. Ipagluluto ng masarap at paboritong pagkain at masayang magsasalu-salo sa tanghalian o hapunan. May mga pamilya naman na dadalhin ang mga ama sa isang kilalang restaurant o food chain. Doon magsasalu-salo sa ipinalutong masarap na pagkain. Pagkatapos, maaaring mamasyal at magtungo sa mga malalaking mall at mag-shopping.
Ibili ng regalo ang mga ama. Sa ibang mga pamilya, sa bahay ginagawa ang pagsasalu-salo kasama ang kanilang ama. Ang mga apo naman ay may inihandang programa na alay o handog sa kanilang grandfather o lolo. Ipinakikita ng mga apo ang talent nila sa kanilang lolo at nagbibigay rin ng regalo ang mga apo.
Maraming paraan ng pagdiriwang at pagpupugay ng bawat pamilya sa kanilang mga ama. Ngunit iisa ang diwa – ang ipakita ang pagpapahalaga at pagpapasalamat sa pagmamahal at sa lahat ng bagay na ipinagkaloob at ginawa ng ama para sa pamilya. Mataas ang paggalang ng pamilya sa ama ng tahanan na pinuno ng pamilya sa pamamagitan ng paglalaan ng oras upang makapiling si Daddy, Papa, Tatay, Itay, Tatang o simpleng Pa.
Sa mga parokya naman ng Diocese sa iba’t ibang mga lalawigan, ang mga pari sa parokya ay may inihandang isang special prayer sa mga ama. Sa panalangin, nababanggit si San Jose, ang butihing esposo ni Maria na isang mabuting ama ni Jesus. Si San Jose, tulad ng ibang ama ay haligi ng pamilya ng Mahal na Birhen Maria at ni Jesus. Matapos ang Misa, lahat ng mga ama na nagsimba ay pinalalapit sa harap ng altar upang ipagdasal. Matapos basahin ng pari ang special prayer sa mga ama ng tahanan, sila’y binebendisyunan at winiwisikan ng holy water. Kasunod nito ang malakas ng palakpakan ng mga nagsimba bilang pagpupugay sa mga ama.
Sa America nagsimula ang pagdiriwang ng Father’s Day nang magpanukala si Miss Sonora Louise Smart Dodd ng isang okasyon upang parangalan ang kanyang ama na nag-iisang nag-aruga sa anim nitong anak sa Washington DC. Naging inspirasyon ni Miss Dodd ang mga pagsisikap ni Anne Jarvis na nagtatag ng Mother’ Day. Ipinagdiwang ang unang Father’s Day noong Hunyo 19, 1910 sa Spokane, Washington. Ipinahayag ni US President Lyndon Johnspon na ang ikatlong Linggo ng Hunyo bilang Father’s Day. Pinagtibay naman ito ni US President Richard M. Nixon noong 1972. Naglalagay ng pulang Rosas sa damit ang mga anak.
Sa iniibig nating Pilipinas, nagsimula naman ang pagdiriwang ng Father’s Day noong 1980 matapos kilalanin ng iba’t ibang sektor ang pagsisikap ng ad hoc Filipino Fathers’ Day Exponent. Dito na rin nagsimula na tuwing Father’s Day ay may mga natatanging ama na binibigyan ng pagkilala at parangal.
Naging pambansa naman ang pagdiriwang sa bisa ng presidential proclamation na nilagdaan ni dating Pangulong Corazon Aquino noong Hunyo 8, 1988.
Malawak ang katuturan at kahulugan ng ama. Sa balikat niya nakaatang ang mahahalagang tungkulin upang tumibay ang pagkakabuklod, pagmamahalan at pagkakasundo ng mga nasa loob ng tahanan. Patatatagin ang pagsasama upang maging karapat-dapat sa mata ng mga tao at Dakilang Maykapal. Lakas at haligi ng tahanan ang ama upang gumanda ang kinabukasan ng kanyang pamilya.
Ang tungkulin ng isang ama upang maitaguyod ang pamilya ay nangangailangan ng higit na sakripisyo at tapang. May mga ama na napipilitang mag-abroad, tinitiis na malayo sa pamilya at ang mangulila upang doon maghanap-buhay at magkaroon ng magandang kinabukasn ang mga anak.
Ang pagdiriwang ng Father’s Day ay masasabing isang walang kupas na pagmamahal ng mga anak sa kani-kanilang ama. Ang mga ama ang masasabi nating mga “unheralded heroes”. Simbolo o sagisag ng lakas, talino at katatagan ng pamilya.