SA biglang reaksiyon, maaaring hindi lamang ako ang nagkibit-balikat nang tandisang ipahayag ni Pangulong Duterte ang pagpapahintulot sa mga Barangay Chairman na magdala ng baril, pati ang pagkakaloob ng permit to carry firearms. Isipin na lamang na umaabot sa 42,000 ang mga barangay sa buong kapuluan na pinamumunuan ng naturang mga opisyal. Hindi ba ang pag-aarmas sa kanila ay mangangahulugan ng paglipana ng mga baril na hindi malayong magdulot ng pangamba sa ating mga kababayan?
Gayunman, tandisan din namang ipinahiwatig ng Pangulo ang isang kondisyon: Dapat lamang tiyakin ng mga Barangay Chairman na sila ay magiging epektibo sa pagsugpo ng kriminalidad at illegal drugs sa kani-kanilang mga nasasakupan. Maliban kung ang ilan sa kanila ay hindi kasabwat ng masasamang elemento ng komunidad, natitiyak ko na ang naturang mga opisyal ang magiging makabuluhang katuwang ng ating mga alagad ng batas sa paglikha ng isang tahimik na pamayanan.
Gusto kong maniwala na ang pahayag ng Pangulo ay bunsod ng kaliwa’t kanang pagpaslang sa mga kilalang mamamayan sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Kamakailan lamang, isang huwes sa Bicol ang pinaslang. Halos kasunod ito ng pagpatay sa isang prosecutor sa Office of the Ombudsman sa isang lugar sa Quezon City. Nauna ring pinaslang ang isa pang taga-usig sa naturang siyudad. Isipin na lamang na sila ang ating pag-asa sa paglalapat ng hustisya, pagkatapos sila pa ang nagiging biktima ng hindi makatarungang pagpaslang.
Maaaring bahagi rin ng utos ng Pangulo ang nakakikilabot na pagpatay sa mga alagad ng Simbahan. Sinasabing katatapos pa lamang magmisa ni Rev. Fr. Mark Ventura nang siya ay pagbabarilin sa isang bayan sa Cagayan. Si Rev. Fr. Richmond Nilo naman ay naghahanda pa lamang na mag-misa nang siya ay patayin sa Barangay Mayamot, Zaragoza, Nueva Ecija. Nagkataon na ang naturang barangay ay kanugnog lamang ng Bgy. Batitang, ang nayon na aking sinilangan, walong dekada na ang nakalipas.
Dahil sa nabanggit na karumal-dumal na krimen, kabi-kabila ang mga kahilingan na payagang mag-armas ang mga prosecutor, huwes, at mga alagad ng Simbahan; kabilang na rin ang iba pang sektor ng sambayanan na ang buhay ay nalalagay sa mga panganib na inihahasik ng mga kampon ni Satanas.
Hindi kaya maging dahilan ito ng paglipana ng mga baril, kabilang na ang mga loose firearms o walang lisensiya na magdudulot ng ibayong sindak sa ating mga komunidad?
-Celo Lagmay