MULING pagbobotohan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang kasong quo warranto na isinampa ni Solicitor General Jose Calida laban kay Chief Justice Leordes Sereno. Naghain kasi si CJ ng motion for reconsideration kung saan ay hiniling niya sa Korte na baligtarin ang nauna nitong desisyong kumakatig sa quo warranto at pinatatalsik siya sa pwesto. Walo laban sa anim na mahistrado ang naging bunga ng unang botohan. Para sa walo, hindi lamang impeachment ang paraan ng pagpapaalis kay CJ Sereno kundi maging ang quo warranto, na ang batayan ay ang hindi niya pagsusumite ng kumpletong Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) sa Judicial Bar Council nang kumandidato siya sa pagka-chief justice. Ang walong mahistrado ay sina Associate Justices Noel Tijam, Teresita Leonardo-de Castro, Samuel Martirez, Andres Reyes, Jr., Alexander Gesmundo, Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Francis Jardeleza.
Lima sa mga ito, sina AJ Tijam, De Castro, Bersamin, Peralta at Jardeleza ay tumestigo laban kay Sereno sa House Committee on Justice na duminig sa impeachment complaint na isinampa laban sa kanya ni Atty. Larry Gadon. Katunayan nga, may mga alegasyon si Gadon sa kanyang impeachment complaint na hindi niya mapatunayan. Ang limang mahistradong ito ang nagbigay ng ebidensiya na sumusuporta sa mga nasabing alegasyon. Kaya, hiniling ni CJ Sereno ang kanilang diskwalipikasyong duminig at humatol dahil sa sila ay wala na sa katayuang maging patas. Sa pagtestigo nila sa komite, ipinakita nila na nakabuo na sila ng paniniwala laban sa Punong Mahistrado. Tinanggihan ng lima ang kahilingan ni CJ na kumalas sila sa kaso. Sa motion for reconsideration, binuhay ni CJ ang kahilingang ito.
Malaki ang aking paniniwala na mababago ang 8-6 na botohan sa naging desisyon ng Korte. Ang anim na kumontra sa mayorya ay sina Acting Chief Justice Antonio Carpio, AJ Presbitero Velasco, Jr., Marvic Leonen, Alfredo Benjamin Caguioa, Estela Perlas-Bernabe at Mariano del Castillo. Sina AJ Leonen, Caguiao, Bernabe at Jardeleza ay hinirang ni dating Pangulo Benigno Aquino III. Kaya, si Jardeleza lang ang humiwalay sa mga hinirang ng dating Pangulo. Kumatig siya sa quo warranto. Maaaring siya ang magbabago ng botohan.
Ang kanyang mensahe sa mga itinalagang bagong abogado ang pinagbabatayan ko ng aking paniniwala. Simpatiya at pagpapakumbaba ang dapat na maging katangian ng abogado, ayon sa kanya. Dalawang bagay ang maaaring magpabago sa kanyang naunang desisyon. Personal na galit kay Sereno dahil hinarang nito ang appointment niya sa Korte. Pero gaano ito kabigat sa iniuutos ng kanyang tungkulin na maggawad ng katarungan at pagtanaw ng utang na loob sa humirang sa kanya. Ang humirang sa kanya ay siya ring humirang kay CJ Sereno, si Pangulong Noynoy.
-Ric Valmonte