HINALIKAN ni Pangulong Duterte ang isang Pinay habang nagkakatuwaan sa pakikipagpulong niya sa Filipino community sa Seoul, Korea nitong Linggo. Ang babae, kinilalang si Bea Kim, ay isa sa mga tumanggap ng librong “Altar of Secrets” na ipinamigay ng Pangulo sa nasabing pagtitipon. Humiling siya ng halik kapalit ng libro at pumayag ang babae. Naglips to lips sila. Ayon kay Bea, wala namang malisya sa halik ng Pangulo at humingi naman ito ng permiso. “Once-in-a-lifetime experience ito,” wika niya.
Paano kaya nalaman ni Bea na walang malisya ang halik ni Pangulong Digong? Eh sa dami ng mga Pilipino na dumalo sa pulong, dalawa silang nagtungo sa kinaroroonan niya. Si Bea ang pinili ng Pangulo na bigyan niya ng aklat. Si Bea ang hinilingan niya ng halik at itinuturo niya ang kanyang labi. Beso-beso lang ang nauna niyang ginawa sa isa.
Sinikap ng Malacañang na pawiin ang kontrobersiya. Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, positibo at neutral ang naging reaksyon ng publiko. Pero, hindi naman ito isyu. Hindi rin isyu kung may malisya ang halik ng Pangulo. Ang isyu ay dapat ba niyang ginawa ito bilang Pangulo ng bansa na ang buong daigdig ay maaaring nakamasid sa kanya. Kung hindi siya nahihiya dahil alam naman niyang siya ay makapangyarihan, binigyan naman niya sana ng kahihiyaan ang sambayanang Pilipino na kanyang kinakatawan.
Nalubos tuloy ang aking pagdududa na tapat si Pangulong Digong sa pagbibigay ng proteksiyon sa mga Pilipinang OFW. Baka kaya lang siya galit sa mga nang rape sa kanila dahil “hindi muna nauna si Mayor.” Ganito ang kanyang kwento noong siya ay nangangampanya para sa panguluhan. Isang magandang madre ang nilipastangan at pinatay ng mga preso sa piitan sa Davao. Sa galit daw niya pinatay niya ang mga preso. Nang ilabas na ang mga bangkay, tinignan niya ang mukha ng madre, napakaganda raw at sinabi niya na dapat nauna si Mayor.
Pero, hindi dapat ginagawang biro ang ginawa ang paghalik niya sa babae lalo na sa publikong pagtitipon. Bagamat may permiso ang babae, sa ganoong sitwasyon ay paglapastangan ito sa kanya. Hindi na iginalang ang kanyang pagkababae at ang kanyang karangalan. May pamilya pa naman ito. Maaaring kay Bea ay karanasan na mahalikan siya ng Pangulo. Paano ang kanyang asawa, ang kanyang magulang at kapamilya, ganoon din ba ang kanilang damdamin? Paano ngayon ang mga banyagang ang kasambahay ay mga Pinay? Masasabi mo ba sa kanila na huwag nilang bastusin ang mga ito? Matatakot mo ba ang kanilang mga bansa na ipatitigil mo ang pagpapadala sa kanila ng mga kasambahay kapag hindi tinigilan ang pang-aabuso sa kanila? Eh tayo mismo ang nambabatas at namamantala ng kanilang kahinaan. Ang pagpapakita pala ng ating pagmamahal sa kanila ay “halik ni Hudas”.
-Ric Valmonte