PUWEDE na nga bang patabihin ni Jackie Rice si Jean Garcia? Sinasabing sumusunod na sa yapak ni Cherrie Gil si Jean sa galing sa pagkokontrabida, at kitang-kita ito sa pagganap niya sa role ni Teresa sa Kambal Karibal drama-serye nina Bianca Umali, Miguel Tanfelix, Kyline Alcantara, with Carmina Villaroel, Alfred Vargas, at Marvin Agustin.
Sagad ang kamalditahan ni Jean sa serye. Simula pa sa pagkabata ni Bianca hanggang sa mamatay na siya ay wala siyang remorse sa mga pinaggagawa niyang kasamaan sa mga taong galit siya.
At mukhang ang ultra kamalditahang ito ni Jean ang peg ni Jackie sa afternoon prime drama na Hindi Ko Kayang Iwan Ka. As Aeva, sa sobrang pagka-obsessed niya sa pagmamahal ni Marco (Mike Tan) ay kaya niyang gawin ang lahat ng kasamaan para mailayo ito sa asawang si Thea (Yasmien Kurdi). Pero laging hindi siya nagtatagumpay, at sa halip ay siya ang laging napapahamak.
Paano pinaghahandaan ni Jackie ang mga eksenang iyon, na in fairness, talagang namang ikinagagalit ng netizens ang husay ng acting niya, na siyempre pa ay natatakpan pa rin kahit papaano ng kagandahan ng 28-year old actress-kontrabida?
Ayon kay Jackie, pinag-aaralan niyang mabuti ang mga eksenang gagawin niya. Kailangang memorized niya ang mga lines niya. Lagi rin siyang dumarating on time sa set.
Kahit ‘yung lagi nilang cat-fight ni Yasmien, pinag-aaralan nilang mabuti. Pero kung minsan ay hindi raw talaga maiwasan na magkasakitan sila ni Yasmien, lalo na kung pareho na silang nadadala sa eksena at palalabasin nilang parang totoo ang dating nito sa televiewers.
Nagso-sorry na lang sila sa isa’t isa, but very good friends sila ni Yasmien off-camera, na tulad niya ay nagsimula rin sa talent search noon ng GMA, ang StarStruck. Si Yasmien ay first runner-up ni Jennylyn Mercado sa Batch One, habang Ultimate Female Survivor naman si Jackie sa Batch 3.
“Marami pa akong gagawin kina Thea at Marco, abangan ninyo ito dahil hindi ako papayag na hindi ako makaganti sa kanilang dalawa,” ani Jackie.
Nasa second book na ang Hindi Ko Kayang Iwan Ka, na napapanood araw-araw pagkatapos ng The Step Daughters sa GMA 7.
-Nitz Miralles