MAITUTURING nang drama princess si Bianca Umali at drama prince naman si Miguel Tanfelix, dahil simula nang magtambal sila sa mga projects nila sa GMA 7 ay laging drama series ang ginagawa nila. Minsan lang silang nakasama sa family comedy na Ismol Family with Ryan Agoncillo and Carla Abellana.
Pang ikasiyam na drama series na yata nila itong Kambal Karibal, at halos wala silang ginawa kundi umiyak sa mga eksena, paminsan-minsan lamang ang happy moments nila.
At ang huli na talagang tumatak sa netizens na sumusubaybay sa Kambal Karibal ay iyong eksena ni Bianca na iniyakan niya nang todo ang pagkamatay ng best friend niyang si Makoy (Jeric Gonzales), hanggang sa eksena ng libing. Dahil doon, ayaw na niyang kausapin ang boyfriend na si Diego (Miguel) dahil kasalanan ng ama nitong si Raymond (Marvin Agustin) ang pagkamatay ni Makoy nang iharang ng huli ang sarili para hindi mabaril ang dalaga.
Kaya naman puring-puri ang acting ni Bianca, at hindi lamang netizens ang pumupuri sa kanya, kundi maging ang mga gumaganap na parents niya na sina Carmina Villaroel at Alfred Vargas, pati na si Marvin, na todo naman ang pagkakontrabida.
Paano tinatanggap ni Bianca ang mga papuring iyon?
“Nahihirapan po akong mag-react, nahihiya po ako,” sagot ni Bianca. “Parang hindi naman ako ganoon kahusay. Nagpapasalamat po ako sa kanila at sinasabi ko na lang sa sarili ko na siguro ay maayos ko ngang nagampanan ang role ko, pero hindi rin ako dapat maging kampante. Dapat ko pa lalong pag-igihan ang ginagawa ko.”
Nadadala ba niya sa bahay pag-uwi ang mga eksenang iyon, o itinutuluy-tuloy pa niya ang pag-iyak kahit tapos na ang take?
“Hindi po, sinanay ko na ang sarili ko na after ng crying scene, stop na rin ako. Hindi ko na po iyon itinutuloy o dinadala ko pa sa bahay. Masakit po sa ulo at makakaapekto pa iyon sa mga kasama ko sa bahay kung makikita nilang umiiyak ako,” ani Bianca.
Wala pang kasiguraduhan kung hanggang kailan eere ang teleserye nila, pero handa ba si Bianca?
“Sabi po ay marami pa kaming heavy scenes na gagawin, kaya po pinaghahandaan ko rin iyon. Nagpapasalamat po ako sa mga patuloy na sumusubaybay sa amin. Huwag po kayong magsawang samahan kami gabi-gabi, pagkatapos ng The Cure,”sabi pa ni Bianca.
-NORA V. CALDERON