SEOUL – Pantay ang tinatanggap na labor protection at benepisyo ng overseas Filipino workers (OFWs) sa mga lokal na residente sa South Korea, tiniyak kahapon ni Philippine Ambassador to South Korea Raul Hernandez.
Bago ang pakikipagpulong ni Pangulong Duterte sa Filipino community dito, sinabi ni Hernandez na tumatanggap ang mga Pilipinong manggagawa, kabilang ang construction at service workers, teachers at iba pang professionals, ng parehong sahod at iba pang benepisyo gaya ng mga Koreano sa ilalim ng labor laws ng South Korea.
Dumating si Duterte, kasama ang ilang miyembro ng Gabinete, sa Seoul kahapon para sa tatlong araw na official visit. Ang kanyang unang engagement ay dumalo sa pagtitipon ng mga Pinoy sa Grand Hilton Hotel and Convention Center kinahapunan.
“It would be good to let you know that the Filipinos are given equal coverage and protection as locals,” ani Hernandez sa panayam ng media rito.
“This protection and coverage is under the Labor Standards Act of Korea and they also enjoy the same wage and also working hours, privileges. They also enjoy the insurance, benefits, and other support programs,” aniya.
Sa kasalukuyan, tinatayang 66,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa South Korea. Sa bilang na ito, 26,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa ilalimn ng Employment Permit System (EPS), ang government-to-government scheme na nagpapahintulot sa mga negosyanteng Korean na kumuha ng mga banyagang manggagawa. Karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga pabrika, service industry at construction.
-Genalyn D. Kabiling